KM-Rizal, nagbigay-pugay kay Ka Joma sa oplan-pinta at dikit

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng serye ng oplan-dikit at oplan-pinta sa ilang susing lugar sa Rizal ang Kabataang Makabayan (KM)-Rizal noong nakaraang linggo para bigyang-pugay si Kasamang Jose Maria Sison at gunitain ang kanyang ika-85 kaarawan noong Pebrero 8. Si Ka Joma ang tagapangulong tagapagtatag ng KM nang itatag ito noong Nobyembre 30, 1964.

Anang KM-Rizal, si Ka Joma ay nararapat na dakilain bilang lider at tanglaw ng rebolusyong Pilipino. Inihanda ng mga kabataan ang isang lawaran (portrait), sa pormang “wheat paste art,” ni Ka Joma at idinikit sa matataong lugar sa Barangay San Juan, Taytay.

Pinagtulung-tulungan ng mga kasapi ng balangay ang paghahanda sa naturang portrait, gayundin ang pagpinta ng iba pang mga panawagan. Tiniyak ng mga kasapi ng organisasyon ang seguridad sa palibot at naghatian ng mga gawain sa aktibidad.

“Hinding-hindi mapipigilan ng reaksyunaryong pwersa ang kasiglahan ng kabataang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan,” pahayag ng KM-Rizal.

“Handang-handa ang KM-Rizal na ialay ang talento at lakas para ipagpatuloy ang nasimulang laban ng KM na itinatag ni Ka Joma.” Anito, si Ka Joma at ang kanyang kadakilaan bilang rebolusyonaryo, guro, manunulat, at makabayan ay mahigpit na pinagkukunan ng inspirasyon ng kabataang Rizaleño.

Ipininta din nila sa mga pader ang panawagan sa mga kabataang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumahok sa digmang bayan.

AB: KM-Rizal, nagbigay-pugay kay Ka Joma sa oplan-pinta at dikit