Balita

Komprehensibong tulong para sa mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, panawagan ng mga magbubukid

,

Nanawagan ng kagyat at komprehensibong suporta at tulong mula sa gubyerno ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) para sa mga magsasaka at komunidad sa kanayunan na napinsala ng pagputok ng Bulkang Kanlaon noong Disyembre 9 at 23. Sa huling tala, tinatayang apektado ng pagputok ng bulkan ang 12,000 mga pamilya o higit 45,000 katao.

Sa datos ng Disaster Response Operations Management, Information and Communication ngayong araw, mayroong 6,720 pamilya ang lumikas dahil sa ibinugang abo ng bulkan sa Region VI at VII. Sa kabuuan, 32 barangay sa isla ng Negros at Panay ang naapektuhan. Pinakamalubha ang epekto sa Canlaon City, La Castellana, Bago City, at Murcia sa Negros Occidental.

Sa sektor ng agrikultura, tinatayang ₱33.5 milyon na ang danyos kung saan 297 ektarya ng palayan ang nawasak. Direktang napinsala naman ng pagsabog ang mga tanim, alagang hayop at kagamitan sa pagsasaka ng 780 magbubukid. Nagbabala ang KMP na posibleng mas lumaki pa ang kabuuang danyos sa palipas ng mga araw laluna at nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa lugar.

Ayon kay Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP, ang inianunsyong tulong ng Department of Agriculture (DA) at ni Ferdinand Marcos ay lubhang kulang para sa malawakang pagkawasak na dinanas ng mga magbubukid.

“Ang pangako ng DA na walang interes na mga pautang at limitadong ayuda ay sampal sa mukha ng mga magbubukid sa Negros,” ayon sa lider-magsasaka. Pagdidiin niya, nagdusa ang mga magsasaka sa isla noong panahon ng El Niño at ngayon naman sa pagputok ng bulkan, pero walang maihapag na sustenable at signipikanteng tulong ang gubyerno.

Nanawagan ang KMP sa rehimeng Marcos na maglaan ng sapat na pondo para sa kumpensasyon sa mga magsasaka na nasiraan ng tanim, namatayan ng alagang hayop, at nasiraan ng mga kagamitan at bahay. “Ang kabiguan ng gubyerno na mapagpasyang umaksyon sa panahon ng kalamidad ay nagpapatindi pang lalo sa pagdurusa ng mga magsasaka na matagal nang pinahihirapan ng deka-dekadang pagsasantabi ng gubyerno,” ayon pa kay Ramos.

Ang mga programang ito, kabilang ang pagsusulong ng tunay na repormang agraryo, ang plataporma ni Ramos sa darating na eleksyong 2025 bilang kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.

AB: Komprehensibong tulong para sa mga nasalanta ng pagputok ng Bulkang Kanlaon, panawagan ng mga magbubukid