Konsehal sa barangay sa Bohol, kinundena ang mga paratang at fake news laban sa kanya
Inalmahan ni Carmilo Tabada, barangay councilor ng barangay Poblacion, Trinidad, Bohol ang malisyosong artikulo na nilathala ng online na dyaryo na Philippine star noong Mayo 25. Ayon sa artikulo, dinakip sya diumano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa kanyang barangay dahil sa paglabag sa kasong Terrorism Prevention and Supression Act (TFPS). Pinaratangan rin sya na finance officer ng NPA at pang 4 na regional most wanted na suspek sa Central Visayas.
Maliban sa Philippine Star, may lumabas rin na katulad artikulo patungkol sa kanya noong Mayo 24 na sinulat ni Alfed Dalizon sa website na Journal News Online.
Sa bersyon ng artikulo na ito, nadakip si Tabada sa kanyang tahanan bunga ng isang “manhunt operation” ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bohol. Pinaratangan siyang Regional Finance Officer sa Central Visayas. Sa parehong panahon, tinukoy din siya bilang myembro ng Farmer Development Center-Bohol at tagapangulo ng Karapatan Bohol.
Batay sa mga artikulo, nagmula ang balita sa mga pahayag ni Maj. Gen. Nicolas Torre III, pambansang direktor ng CIDG, na inilabas noong Mayo 23. Si General Torre ang bagong hirang na hepe ng PNP.
Ayon kay Tabada, bagamat hindi tinukoy ang apelido niya, siya lamang ang tanging may pangalan na Carmilo sa kanyang barangay at may kinakaharap na kasong “terror financing.”
Aniya, ang ganitong artikulo ay naglalagay sa buhay niya sa peligro. “Ang artikulo, ay malinaw na naglalagay sa aking buhay sa kapahamakan at sumisira sa aking integridad bilang tao at bilang pampublikong upisyal. Hindi totoo na ako ay hinuli o kwinelyuhan ng CIDG. Ang totoo, ako mismo ang nagtungo sa korte at sa hepe ng pulisya sa Tabon upang maghain ng pyansa noong Mayo 20 nang malamang ko na may warrant ako.”
“Mariin kong pinapabulaanan ang akusasyon laban sa akin at kinukundena ang mga walang batayan at bulagsak na pahayag at akusasyon ng mga upisyal ng CIDG na dapat diumano naglilingkod at nagpoprotekta sa karapatang-tao ng bawat mamamayan,” pahayag ni Tabada
Kinumpirma ni Tabada na dati siyang nagtrabago sa tinukoy na NGO na tumutulong sa mga magsasaka sa Bohol at sa kanilang karapatan sa kanilang lupa at sustenableng produksyon ng pagkain nang maraming taon. Natigil ang kanyang serbisyo nang mahalal siya bilang konsehal sa barangay ng Poblacion, Trinidad, Bohol noong 2018.
Matatandaang unang nang dinakip si Tabada dahil sa gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives ng CIDG PNP laban sa kanya noong 2021. Ibinasura ng korte ang kaso pagkalipas ng mahigit isang taon nyang pagkakakulong.
“Akala ko, pwede na akong mamuhay ng mapayapa at tahimik kasama ang aking pamilya. Ngunit noong Disyembre 24, 2024 ay nakakuha na naman ako ng subpoena para sa panibago na namang reklamo na ‘terrorism financing.’ Handa ako na harapin ang mga inimbentong kaso laban sa akin dahil tiwala ako sa aking pagiging inosente.”
“Umaasa ako na ang Philippine Star, bilang mapagkakatiwalaan ng dyaryo ay dapat naging mas maingat, at sinusuri muna ang katotohan ng kwento. Dagdag rito, mas mainam para sa Philippine Star na wag gumamit ng pekeng litrato kung wala naman na makukuha.”
“Sa pagtitiwala na ang mainstream media ay hindi dapat maging kasangkapan ng mga nagpapakalat ng pekeng balita at impormasyon, sana mabigyan ng bigat ang aking panig ng kwento upang matiyak ang aking kaligtasan at indegridad. Higit akong umaasa sa inyong tugon” pahayag ni Tabada sa Philippine Star” dagdag ni Tabada.
Hanggang sa kasalukuyan, walang pagbawi ng isinulat na balita at paghingi ng paumanhin ang Philippine Star at Journal News Online. Hindi rin ipinaskil ng Philippine Star ang liham ni Tabada sa kanilang website.
Samantala, binatikos ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang walang-batayang pagpaparatang ng CIDG kay Tabada na diumano’y “finance officer” ng NPA. “Napakalaking kabulastugan ang pandadawit ng CIDG kay Tabada para bigyang matwid ang panggigipit sa kanya, na malinaw na paninindak sa mga katulad niyang naninindigan para sa interes ng masang magsasaka.”
“Sa balangkas ng Memorandum Order 35 ni Marcos, dumarami nang dumarami ngayon ang kaso ng pagkakaso sa maka-masa at makabayang organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng demokratikong interes at mga karapatan ng mga magsasaka, manggagawa at iba pang aping sektor,” dagdag ni Valbuena. “Ginagamit ang Anti-Terror Law at iba pang reaksyunaryong batas para bigyang matwid ang pampulitikang paniniil sa kanila.”
Tinutukoy ni Valbuena ang National Security Plan 2023-2028 at National Action Plan for Unity, peace and Development 2025-2028 ni Marcos na tahasang nagsasaad ng pagtarget sa binabansagan nitong mga “ligal na prente” na umano’y “tagapagpadaloy ng pondo sa armadong rebolusyonaryong kilusan.”
Nagpaalala si Valbuena sa masmidya na maging mapanuri sa mga pekeng balitang ipinakakalat ng AFP at PNP na nagsasapanganib sa buhay ng mga tao. “Nawa’y mag-ingat kayo at iwasang mahulog sa bitag ng AFP at PNP para gamitin ang masmidya na tagapagpalaganap ng pekeng balita ng estado.”
“Sadyang makapangyarihan ang papel ng mga mamamahayag sa pagsisiwalat ng katotohanan. Nawa’y bigyan ninyo ng puwang na dinggin ang boses ng mga inaapi at pinagsasamantalahan, at pumanig sa kanila sa kanilang mga pakikibaka,” dagdag ni Valbuena.