Balita

Konstruksyon ng windfarm sa San Miguel Bay, Camarines Sur, tinututulan ng mga mangingisda

,

Nagmartsa noong Abril 22 ang 200 mangingisda mula sa Sabang Fishport patungo sa People’s Park sa Calabanga, Camarines Sur upang kundenahin ang planong konstruksyon ng San Miguel Bay Offshore Windmill Project. Isinabay nila ang pagkilos sa paggunita sa ika-56 Earth Day. Pinangunahan ng Tanggol San Miguel Bay Network ang protesta.

Ayon sa grupo, malaki ang magiging pinsala sa kalikasan at kabuhayan ng komunidad ng proyekto ng Copenhagen Infrastructure Partnners (kumpanyang nakabase sa Denmark). Sasakupin ng proyekto ang 23,307 ektarya ng karagatan na tatayuan ng mga windmill. Sasaklawin nito ang 15-kilometrong municipal waters na dapat ay nakalaan sa pangisdaan ng maliliit na lokal na mangingisda sa San Miguel Bay.

Mahigit 6,000 mangingisda ang maaring mawalan ng hanapbuhay dahil sa proyekto. Sa kasalukuyan, may ilan nang mga residente ang unti-unting napalalayas sa kanilang mga lupa upang bigyan-daan ito.

Ayon sa mga mangingisda, ang paggunita sa Earth Day ay pagkilala sa kahalagahan sa pagprotekta sa likas na yaman ng bansa para sa susunod na henerasyon.

“Dapat kundenahin ang marahas na “greenwashing”, militarisasyon, at pagkasira ng kalikasan na sinusuportahan ng mga dayuhang kumpanya,” paliwanag ng Tangol SMB Network.

“Sa harap ng nagpapatuloy ng banta sa klima, karagatan, kalupaan, kabundukan at likas na yaman, ang sama-samang pagkilos ng mga mangingisda, magsasaka, mamimili, kabataan at iba’t ibang organisasyon ang nagpapalakas at nagpapatibay sa kagyat na panawagang ipagtanggol ang San Miguel Bay at likas na yaman ng Bicol mula sa pandarambong,” pahayag ni Jose Sotero, punong tagapag-organisa ng Tangol SMB Network.

AB: Konstruksyon ng windfarm sa San Miguel Bay, Camarines Sur, tinututulan ng mga mangingisda