Balita

Kontra Daya, muling nagpiket sa Comelec para isiwalat ang mga problema sa eleksyon

,

Muling nagsagawa ng piket-protesta ang Kontra Daya kasama ang iba pang mga organisasyon sa tapat ng pambansang upisina ng Commission on Elections sa Intramuros, Manila noong Mayo 5. Pinuna ng grupo ang aberya sa online voting ng mga overseas Filipino worker, mabagal na aksyon ng ahensya sa Red-tagging at iba pang reklamo ng paglabag ng mga kandidato, at pandaraya sa eleksyon.

Ayon sa grupo, dahil sa patung-patong na mga usaping ito ay kinakailangang mas maging mapagmatyag ang mga Pilipino sa araw ng eleksyon sa Mayo 12 at bilangan ng boto. Pagdidiin nito, dapat magbantay laban sa iba pang anyo ng pandaraya.

Sa ulat ng Migrante International noong nakaraang linggo, malaki ang kakulangan sa pagpapalaganap ng impormasyon ng Comelec tungkol sa bagong online voting system. Naitala rin nila ang iba’t ibang teknikal na problema na maaaring magdulot ng pagkakait ng karapatan sa pagboto ng maraming OFW.

Kabi-kabila na rin ang naitatalang mga kaso ng paglabag ng mga kandidato sa batas sa eleksyon. Kabilang dito ang bilihan ng boto, malawakang diskriminasyon at Red-tagging sa mga progresibong partido at kandidato.

Ayon sa Kontra Daya, kinikilala nito ang pagpapatawag ng Comelec sa ilang kandidato na naglabas ng misogynistang pahayag at sangkot sa bilihan ng boto ngunit reklamo nila, nananatiling mabagal ang pagparusa sa mga Red-tagger.

“Dapat din nating balikatin ang responsibilidad bilang mga mamamayan na pangalagaan ang ating mga boto at magbantay sa anumang uri ng pandaraya sa araw ng eleksyon,” ayon kay Danilo Arao, tagapagtipon ng Kontra Daya.

Sa harap ng mga anomalya, muling nanawagan ang grupo sa Comelec na ikunsidera ang pagpapatupad ng manwal na botohan sa antas ng presinto at inanib sa transmisyong elektroniko o sistemang hybrid na eleksyon. Anito, makakatulong ito para maiwasan ang posibleng manipulasyon ng resulta sa pamamagitan ng elektronikong paraan.

Anang grupo, kung tatanggi ang Comelec sa rekomendasyong ito, pahihinain nito ang panawagan ng publiko na makumpirma ang mga boto sa antas-presinto at nagpapalakas ng hinala na maaaring manipulahin ang resulta sa pamamagitan lamang ng automated counting at transmission.

AB: Kontra Daya, muling nagpiket sa Comelec para isiwalat ang mga problema sa eleksyon