Kontra-pribatisasyon ng koop sa kuryente sa Negros, lumalawak

,

Nagtipun-tipon sa Bacolod City noong Mayo 24 ang hindi bababa sa 20 organisasyon ng iba’t ibang sektor para buuin ang isang koalisyon laban sa pribatisasyon ng Central Negros Electric Cooperative, Inc. (CENECO). Pinirmahan ng mga ito ang isang manipesto na tumututol sa Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng CENECO at Ignite Power and Energy Holdings, Inc. na anila’y hindi pabor sa mga konsyumer.

Kabilang sa dumalo at pumaloob sa Anti-Ceneco-JVA Coalition ang Social Action Center ng Diocese of Bacolod, Ceneco Union of Rational Employees, Responsible Supervisory and Confidential Employees, Konsumers Negros, Bayan-Negros, Kadamay, Pamalakaya, at BMP-Sanlakas.

Ayon sa koalisyon, ang CENECO ay isang kooperatiba ng pampublikong serbisyo kung kaya’t ang pamumuno at operasyon nito ay hindi dapat ipahawak sa isang pribadong kumpanya. Anito, magreresulta ang JVA sa dagdag na singil sa kuryente dahil ang pangunahing motibo ng MORE Power ay tiyakin ang return of investment nito. Sa tala ng koalisyon, ang singil sa kuryente ng CENECO ay nasa ₱1.0348 per kilowatt hour. Mahigit doble ang sisingilin ng MORE Power na ₱2.3226 per kwh.

Pinabulaanan din ng koalisyon ang pagdadahilan na kailangan ng interbensyon ng CENECO dahil mismong si NEA Administrator Antonio C. Almed ang nagdeklarang hindi naghihingalo ang kooperatiba. Binatikos din nila ang mga nagpapakalat ng mali at pekeng impormasyon para bigyang katwiran ang pribatisasyon ng kooperatiba.

Nangangamba rin sila sa posibleng malawakang tanggalan na idudulot ng pribatisasyon, tulad ng nangyari sa mga empleyado ng Bacolod City Water District.

Sa pagtatapos ng programa at pagpirma sa manipesto, sama-samang pinunit ng mga dumalo sa pagtitipon ang mga kopya ng panukalang kasunduang JVA.

Ilulunsad sa Mayo 28 ang ika-45 Annual General Membership Assembly ng mga kasapi ng CENECO. Dadalo sa pagtitipon ang ilang kinatawan ng koalisyon para ipahayag ang kanilang mga mungkahi at paninindigan.

Ang CENECO ay nagsusuplay ng kuryente sa hindi bababa sa 237,000 kabahayan sa mga syudad ng Bacolod, Bago, Talisay at Silay at sa mga bayan ng Murcia at Don Salvador Benedicto na may kabuuang 158 barangay.

AB: Kontra-pribatisasyon ng koop sa kuryente sa Negros, lumalawak