Balita

Kulang na pasilidad sa PUP sa harap ng labis na init, pinuna ng mga estudyante

Nagsagawa ng rali ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Manila sa kampus nito sa Sta. Mesa noong Mayo 5 bilang protesta sa kulang na pasilidad sa harap ng napakatinding init. Pinapanagot nila ang administrasyon ng PUP sa kabiguang tugunan ang hinaing ng mga estudyante.

Sa nagdaang mga linggo, naitala sa Metro Manila ang abereyds na 42°C-45°C sa heat index, na nasa kategoryang “mapanganib.” Bilang tugon dito, inamyendahan ng administrasyon ng PUP ang patakaran sa pagkokondukta ng klase.

Alinsunod sa Executive Order No. 12, Series of 2025, na inilabas noong Mayo 2, kung ideklara ng PAGASA na “mapanganib” ang heat index ay ikakansela ang harapan at pisikal na mga klase at gagawing online. Mayroon lamang ilang konsiderasyon na ibibigay ang PUP sa mga klase na kinakailangang maglunsad ng harapang klase.

Ayon sa League of Filipino Students (LFS)-PUP, hindi sapat ang inilabas na patakaran ng PUP at kinakailangan ang “emergency heat response” para tugunan ang ganitong kundisyon. “Kabilang sa mga panawagan [natin ang] agarang pagsasaayos ng North Wing ng Main Building upang madagdagan ang pasilidad ng pamantasan,” anang grupo.

Itinutulak rin nito ang dagdag-pondo para matiyak ang ligtas, makatarungan, at dekalidad na pagkatuto. Dapat umanong asikasuhin ng administrasyon ang modernisasyon ng mga pasilidad at pagpapatupad ng maayos na bentilasyon sa mga silid-aralan. Pinuna rin nila ang pagpapabaya at kaltas-pondo ng rehimeng Marcos sa mga state universities and colleges na nagbubunga ng kakulangan ng pasilidad.

Reklamo ng mga estudyante, simula pa noong Abril ay ilang ulit nang nailipat sa online ang moda ng pag-aaral ng mga estudyante dahil sa matinding init. “Hanggang ngayon, wala pa ring malinaw at kongkretong plano ang administrasyon ng PUP upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Iskolar ng Bayan mula sa panganib ng mataas na heat index,” pahayag ng LFS-PUP.

Nanawagan sila sa administrasyon ng PUP na kaagad tugunan ang kanilang hinaing para mapabuti ang edukasyon ng mga estudyante.

Liban dito, kinundena ng LFS-PUP ang pananagutan ng mga dambuhalang korporasyon at pandarambong sa kalikasan ng imperyalismong US na dahilan ng walang habas na pagkasira ng kalikasan na nagbubunga ng mas matinding init.

Sa pagtatapos ng protesta ng mga estudyante ng PUP, simbolikong nagbuhos ng tubig ang mga lider-estudyante. Hinimok nila ang mga kapwa estudyante ng lumahok sa kampanyang #BeatTheHeatChallenge bilang paniningil sa administrasyon.

AB: Kulang na pasilidad sa PUP sa harap ng labis na init, pinuna ng mga estudyante