Balita

Kumander ng 302nd IBde, kinasuhan ng paninirang puri at Red-tagging

,

Sinampahan ni Estrella Flores-Catarata, isang beteranong development worker at civil society leader, ng kasong sibil si Bgen. Joey A. Escanilla, kumander ng 302nd IBde, para sa pinsalang dulot ng kanyang mga pahayag na may paninirang puri at Red-tagging. Isinampa ang kaso noong Abril 23 sa isang korte sa Quezon City.

Pinagbatayan ng reklamo ang ginawang pahayag ni Escanilla sa isang online press conference noong Abril 30, 2024 kung saan sinabi niya na leader ng “Communist Terrorist Group” si Flores-Catarata.

Labag sa Civil Code ang mga pahayag ng heneral na nagtutukoy kay Flores-Catarata at kanyang organisasyon na Sibol ng Agham at Teknolohiya (SIBAT) bilang taga pondo ng mga “komunista-terorista.”

Nagsilbing abogado ni Flores-Catarata si Atty. Tony La Viña at pangalawang nominado ng Bayan Muna Party-list na si Atty. Carlos Zarate.

Si Estrella Flores- Catarata ay isang lisensyadong Social Worker at rehistrado na sikolohista na may Master of Arts sa Sikolohiya. Dalawang dekada siyang naglingkod sa iba’t ibang non-government organization at government organization na nakapokus sa repormang agraryo, sustenableng agrikultura, at community development. Kinikilala ang kanyang naging serbisyo sa Pilipinas at sa ibayong dagat sa sektor ng pag-unlad.

AB: Kumander ng 302nd IBde, kinasuhan ng paninirang puri at Red-tagging