Kumpanya at gubyernong Dutch, tinuligsa sa papel nito sa konstruksyon ng Aerotropolis

,

Tinuligsa ng organisasyong Global Witness ang gubyerno at dalawang kumpanyang Dutch sa pagtanggap at pagpondo nito sa isang bahagi ng proyektong Aerotropolis ng San Miguel Corporation. Sa pahayag na inilabas ng grupo noong Pebrero 2, sinabi nitong nakatakdang tumabo ng kita ang dalawang kumpanya sa isang proyektong lumalabag sa karapatang-tao at nakasisira sa kapaligiran. Ang Global Witness ay isang internasyunal na organisasyong na nagsasagawa ng mga imbestigasyon para itaguyd ang climate justice at ipagtanggol ang mga batayang karapatang-tao,

Nakopo noong 2018 ng kumpanyang Royal Boskalis Westmninster NV ang kontratang nagkakahalaga ng 1.5 bilyong euros para sa gawaing dredging—ang unang hakbang ng dambuhalang proyektong Aerotropolis o New Manila International Airport. Nakuha nito ang garantiya ng estado ng The Netherlands sa pamamagitan ng pagkuha ng kontrata sa seguro mula sa Atradius Dutch State Business noong Mayo 2022. Itinatayo ang naturang proyekto sa Taliptip, Bulacan.

Nasa 700 pamilya ang napilitang lumikas sa lugar matapos tambakan ng mga sundalo ang target na mga lugar ng proyekto. Dahil sa takot at walang awat na intimidasyon ng mga sundalo, napilitan silang gibain ang kanilang mga bahay at pumirma sa mga dokumentong nagsasaad na hindi nila tututulan ang proyekto. Halos kalahati sa kanila na pinangakuan ng kumpensasyon ay walang natanggap hanggang ngayon.

Pipinsalain ng Aerotropolis ang lugar na inirekomenda pareho ng mga estado ng Pilipinas at The Netherlands na ideklarang “mahigpit na protektado.” Wawasakin nito ang Manila Bay, isang biodiversity hotspot.

“Kumikita ang Boskalis sa isang proyektong di pasado sa mga pamantayang maka-kalikasan at panlipunan,” ayon sa Global Witness. “(H)indi nito pinakinggan ang mga babala ng mga pag-aaral sa magiging epekto sa kapaligiran at lipunan, nakinabang ito sa mga tahasang mga pagbabantang militar sa komunidad na pinalayas…” Panawagan ng grupo na magkaroon ng bagong mga tuntunin para pigilan ang pang-aabuso ng mga kumpanya.

“Minamadali ang New Manila International Airport nang walang tunay na konsultasyon sa mga komunidad na pinalayas sa pamamagitan ng mga armadong sundalo,” ayon ay Rachel Cox ng Global Witness. “Ang mga pag-aaral na nagpapakita sa pinsala nito sa mga lokal na komunidad at maseselang ekosistema sa Manila Bay ay binalewala, at walang sinabi sa orihinal na kontrata para rito tungkol sa (pagtatayo ng) paliparan. Nakagagalit na ang isang kumpanyang European ay kumikita mula rito.”

Iginiit ng Global Witness ang kakagyatan ng pagkakaroon ng malalakas na tuntunin para sa mga kumpanyang European laban sa paghuthot ng mga ito ng kita sa paglabag sa mga karapatang-tao at pangwawasak sa kapaligiran.

AB: Kumpanya at gubyernong Dutch, tinuligsa sa papel nito sa konstruksyon ng Aerotropolis