Balita

Kumpensasyon at ayuda, panawagan ng mga maralita sa DSWD

,

Nagpiket-protesta ang mga grupo ng maralita sa pangunguna ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap) sa harap ng pambansang upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Quezon City kahapon, Nobyembre 11. Siningil nila ang ahensya at ang rehimeng Marcos sa kawalan ng sapat na kumpensasyon at ayuda para sa kanilang mga maralita na sinalanta ng magkakasunod na bagyo sa nagdaang mga linggo.

Ayon sa Kadamay, mula nang tumama ang bagyong Carina noon pang Hulyo hanggang sa sunud-sunod na mga bagyo nitong nagdaang buwan ay wala pa ring kaalwanan na nararamdaman ang mga maralita. Anang grupo, dismayado ang mga maralita sa gubyerno dahil napakakupad nito sa pagbibigay ng tulong sa mga nasalanta.

“Kompensasyon huwag baratin!” panawagan ni Ka Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Dagdag ni Doringo, na nakaligtas sa matinding pagsalanta ng bagyong Ondoy sa Maynila noong Setyembre 2009, “ilang bagyo pa ba na sisira sa ating mga buhay, kabuhayan at kabahayan ang dadanasin para kumilos at magkaroon ng pakialam ang pamahalaan?”

Ayon sa lider-maralita, liban pa sa kumpensasyon para sa nasira nilang mga bahay at kabuhayan, dapat ding itigil na ng gubyerno ang mga mapanirang proyekto na dahilan ng malalawak at malalaking pagbaha. Napakainutil din umano ng suporta at serbisyo para sa kanilang mahihirap dahil sa laganap na korapsyon sa gubyerno.

Dahil sa kanilang pagkilos, mayroong kinatawan ng DSWD ang lumabas at nakipag-usap kay Doringo at iba pang lider ng Kadamay.

Samantala, naglunsad din ng pagkilos sa Marikina Public Market ngayong araw, Nobyembre 12, ang mga residente ng Marikina City sa pangunguna ng lokal na balangay ng Gabriela Women’s Party at Gabriela sa syudad.

Ginunita nila ang ika-4 na taong anibersaryo ng bagyong Ulysses na tumama at naglubog sa 40,000 mga bahay sa Marikina City. Nanawagan sila ng pananagutan sa gubyerno at pagwakas sa mapangwasak na mga proyekto sa kalikasan na nagpapatindi ng mga sakuna.

AB: Kumpensasyon at ayuda, panawagan ng mga maralita sa DSWD