Balita

Kumpensasyon para sa nasalantang ani at kabuhayan, iginiit ng mga magsasaka at mangingisda

,

Sumugod at nagprotesta ang mga magsasaka at mangingisda sa Department of Agriculture (DA) sa Quezon City ngayong araw, Oktubre 29, para singilin ang ahensya at igiit ang kumpensasyon para sa lahat ng nasalanta ng Bagyong Kristine. Kasama ang mga grupong nagtatanggol sa kalikasan, nagtungo sila sa Department of Environment and Natural Resources para papanagutin ang kagawaran sa papel nito sa pagwasak sa kalikasan.

“Hindi kami nasasapatan sa pana-panahong ayuda na bukod sa kakarampot, ay hindi sinasaklaw lahat ng apektado,” pahayag ni Ronnel Arambulo, ikalawang pangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya) at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Aniya, pangmatagalang kompensasyon sa porma ng bayad-pinsala at rehabilitasyon ng mga nasirang sakahan, komunidad, at pook-pangisdaan ang dapat ibigay ng gubyerno.

Sa taya ng grupo, higit 200,000 mangingisda sa Bicol ang malubhang nasalanta at naapektuhan ng bagyong Kristine. Ang rehiyon ang pinakasinalanta ng bagyo. Sa tala ng DA ngayong araw, umabot na sa ₱3.4 bilyon ang kabuuang halaga ng danyos sa sektor ng agrikultura dulot ng bagyo. Samantala, nasa konserbatibong bilang na halos 80,000 magsasaka lamang ang itinala ng DA na apektado ng bagyo.

“Hindi na lamang maituturing na simpleng trahedya ang pananalasa ng mga nagdaang bagyo. Dahil ang mga deka-dekadang proyekto ng reklamasyon, malawakang pagminina, at quarrying ang nagpalala sa epekto ng natural na kalamidad at higit na naglagay sa panganib sa mga bulnerableng komunidad,” ayon kay Arambulo.

Aniya, malaki ang pananagutan ng pamahalaan sa pamamagitan ng DENR na nagbigay permiso sa mga mapanirang proyekto.

AB: Kumpensasyon para sa nasalantang ani at kabuhayan, iginiit ng mga magsasaka at mangingisda