Labis na naantalang Covid-19 alawans para sa mga manggagawang pangkalusugan, nakamtan na
Dahil sa walang tigil na paggigiit, nakamtan na ng mga manggagawang pangkalusugan sa mga ospital na Government Owned and Controlled Corporations (GOCC), sa Philippine General Hospital (PGH) at mga hawak ng Department of Health (DOH) ang kanilang labis na naantalang Covid-19 alawans o Health Emergency Allowance. Natanggap nila ang alawans noong Marso 13 (GOCC), at noong Pebrero (PGH at iba pa) na para sana sa Enero hanggang Hulyo noong nakaraang taon.
“Ipinaaabot ng Alliance of Health Workers (AHW) ang pinakamainit na pagbati nito sa masigasig na mga unyon nito, mga manggagawang pangkalusugan at iba pang organisasyong pangkalusugan na nagsama-sama sa pakikibaka ng sektor para sa naantalang mga alawans,” pahayag ng pambansang upisina ng AHW.
Anang grupo, ang malakas na pagkakaisa, kolektibong pagkilos at walang pagod na paggigiit ng mga manggagawang pangkalusugan sa DOH, Department of Budget and Management at gubyernong Marcos ang nagtulak para ibigay na ang alawans na ito. Sa nagdaang mga buwan, tuluy-tuloy na mga protesta at piket sa mga ospital at sa upisina ng DOH ang pinangunahan ng AHW bilang bahagi ng kampanya para igiit ang alawans.
“Ang pagbibigay ng HEA ay mahalagang tagumpay para sa ating mga manggagawang pangkalusugan na nasa unahan ng paglaban sa pandemyang Covid-19. Nagbigay sila ng kalinga at suporta sa mga pasyente, kahit pa madalas na isinasaalang-alang ang kanilang sariling kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga pamilya,” ayon pa sa AHW.
Sa kabila nito, naniniwala ang mga manggagawang pangkalusugan na mahaba pa ang tatakbuhin ng kanilang laban para sa mga benepisyo dahil hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ng mga kapwa nila manggagawang pangkalusugan sa pribadong mga ospital at ospital ng lokal na gubyerno ang kanilang alawans.
Noong Marso 14, nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa pribadong ospital para singilin ang DOH sa kanilang alawans. Isinagawa ng United Private Hospital Unions of the Philippines (UPHUP) ang pagkilos sa upisina ng DoH-National Capital Region sa Mandaluyong City.
“Hawak ninyo [DoH] na ang pondo noon pang Enero. Anong rason bakit hindi pa rin ninyo ibinibigay ang HEA para sa mga nagtatrabaho sa pribadong ospital?” bwelta ni Ronald Richie Ignacio, tagapagsalita ng UPHUP.