Pagkawawa sa mga Pilipinong nars: 12-oras na paggawa, barat na sahod

Umaabot sa 12 oras ang karaniwang duty o araw ng pagtatrabaho ng mga nars De La Salle University (DLSU) Medical Center, ang pinakamalaking pribadong ospital sa Cavite. Ayon kay Vilma Garcia, tagapangulo ng unyon ng mga empleyado ng ospital, ito ay dahil kulang na kulang ang iniempleyo ng kapitalistang may-ari na mga nars para mag-asikaso sa mga pasyente.

Ani Garcia, hindi lamang nagdudulot ng mental stress ang “regular” na oras na trabaho na 12 (imbes na 8 alinsunod sa kanilang karapatan laban sa sobrang pagpapatrabaho), umaapekto rin ito sa kaligtasan at kalidad ng pag-aaruga sa mga pasyente. Dulot ng malaking kakulangan ng mga nars, 43% lamang ng 250-kamang kapasidad ng ospital ang naibubukas sa publiko, o nasa 107 pasyente lamang ang kaya nitong serbisyuhan.

Dagdag sa sobra-sobrang pagpapatrabaho at mahabang oras ng paggawa, labis ang pambabarat sa sahod ang ginagawa ng kapitalistang may-ari ng ospital. Nasa pagitan ng ₱12,500 at ₱16,000 lamang ang natatanggap ng isang bagong pasok na nars, malayo sa natatanggap nang ₱35,000 kada buwan na naipaglaban ng mga nars sa mga pampublikong ospital.

Ayon kay Garcia, ang mga ito ang dahilan kung bakit hindi nagtatagal ang mga nars sa ospital. Ito rin ang mga dahilan kung bakit pinipili na lamang nilang mangibang-bayan para sa mas mataas na sahod, kahit pa matindi rin silang pinagsasamantalahan at sobra-sobrang pinagtatrabaho sa ibang bansa.

Kasalatang ayaw punan

Binatikos ng Filipino Nurses United ang kapalpakan ng estado at ng Department of Health na punan ang lumalalang kasalatan ng mga nars sa bansa. Noong 2022, inamin ng ahensya na kulang nang hanggang 106,000 ang mga nars sa Pilipinas. Gayunpaman, nag-empleyo lamang ito ng 16,000 sa nasabing taon. Mas maliit na bilang pa ang ieempleyo nito ngayong 2023 (11,795) dahil sa napakaliit na badyet na inilaan ng estado para rito.

Ayon kay DOH officer-in-charge Rosario Vergeire, 21,547 lamang ang kabuuang health care workers ang ieempleyo ng ahensya ngayong taon, mas maliit kumpara sa 26,035 health workers noong 2022. Ibinukas nito ang mga pusisyon para sa 1,407 duktor, 11,795 nars, 6,938 komadrona, 222 dentista, 303 pharmacist, 601 medical technologist, 200 nutritionist, at 81 physical therapist.

Napakaliliit ng mga bilang na ito kumpara sa pangangailangang pangkalusugan ng bansa. Idinahilan ni Vergeire ang pagliit ng bilang sa debolusyon o pagpapaubaya sa mga lokal na ospital na mag-empleyo ng sariling mga personnel. Idinahilan din niya ang pagtapyas ng Department of Budget and Management at ng Kongreso sa badyet na isinumite ng ahensya para sa 2023.

Kayod-kalabaw, di makataong kundisyon sa ibang bansa

Kumpara sa natatanggap nilang sukdulang barat na sahod sa Pilipinas, mas mataas ang pasahod sa mga nars sa ibang bansa. Gayunpaman, kung ikukumpara ito sa cost of living (gastos ng pamumuhay) sa kinaroonan nilang mga bansa, hindi rin ito nakabubuhay.

Isang halimbawa nito ang kalagayan ng mga nars sa United Kingdom. Noong Disyembre 2022, ikinasa ng 100,000 nars na nakapaloob sa National Health Services ang pinakamalawak na welga para igiit ang 19% pagtataas ng kanilang mga sweldo para makaagapay sa abot-langit na singil sa kuryente at panggatong at presyo ng mga pagkain. Nasa 18,000 Pilipinong nars ang nagtatrabaho sa NHS, pangatlong pinakarami kasunod sa mga nars na British at Indian.

Sa US, tuluy-tuloy ring nagwewelga ang mga nars laban sa sobra-sobrang pagpapatrabaho at di ligtas na kundisyon sa paggawa. Nito lamang Enero, nagwelga at naipanalo ng 7,000 nars sa New York ang iginiit nilang dagdag-sahod at dagdag personnel para punan ang kakulangan sa kani-kanilang mga ospital. Isa ang US sa pinakamalaking “merkado” ng mga Pilipinong nars. Sinasabi na noong 2019, isa sa bawat 20 rehistradong nars dito ay mga Pilipinong sinanay sa Pilipinas (ibig sabihin, labas pa dito ang Filipino-American).

Sa New Zealand, nagwelga noong 2021 ang 30,000 nars para igiit na swelduhan sila ng nararapat sa kanilang tinatrabaho. Ikinasa nila ang welga matapos tumanggi ang kanilang estado na itaas ang barat na sweldo nang 17%. Anila, ito ang nangungunang dahilan kung bakit marami sa mga nars na New Zealander ang nagbitiw na sa trabaho na nagresulta naman sa kakulangan ng istap. Sa gitna nito, naging laman ng balita sa Pilipinas ang “alok” nitong mataas na sweldo at “residensiya” o sa mga nars na nais magtrabaho doon.

Mula katapusan ng 2022 hanggang sa kasalukuyan, nagkaroon din ng malalawak na welga ng mga nars sa Spain, Portugal, Denmark, Australia, Barbados at marami pang iba.

AB: Pagkawawa sa mga Pilipinong nars: 12-oras na paggawa, barat na sahod