Balita

Liberalisasyon at deregulasyon sa industriya ng bigas, pahirap sa sambayanan

,

Muling binatikos ng Amihan Federation of Peasant Women ang neoliberal na patakaran ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng agrikultura na higit na nagpapahirap hindi lamang sa mga magsasaka, kundi sa sambayanan. Partikular nilang binatikos ang Rice Liberalization Law (RLL) na hindi lamang nagbukas sa bansa sa walang sagkang importasyon ng bigas, kundi nagtanggal rin sa regulasyon ng estado sa industriya ng bigas na nagreresulta sa mataas na presyo nito sa merkado.

“Mula nang tinanggal ang regulatory powers ng National Food Authority o NFA para i-stabilize ang mga presyo, nawala ang P27 at P32 kada kilong bigas na binibili ng mga maralita, at bumaha ang imported na bigas na nagpabagsak ng presyo ng palay at nagpalubog sa kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa,” ayon sa grupo ng kababaihang magsasaka. “Nagpatuloy ang monopolyo ng importers at pribadong mga komersyante hanggang sa umabot ng mahigit P50 ang presyo ng bigas sa bansa.”

Inamin rin ng kagawaran sa agrikultura ang pangangailangang ibalik ang ilang katungkulan ng NFA na tinanggal sa ilalim ng RLL tulad ng awtoridad nitong direktang magbenta ng bigas sa merkado. Napag-alaman na hawak ng NFA ang halos anim na milyong sako ng bigas na malapit nang mabulok dahil bawal ang NFA na magbenta nito nang mas mababa kaysa sa presyo sa merkado.

“Paulit-ulit na namin sinasabi ito, bago pa man maisabatas ang Rice Liberalization Law, na ang importasyon ay hindi magpapababa ng presyo dahil diktado nga ito ng mga monopolyong trader para panatilihin ang kanilang gahiganteng tubo,” ayon Kay Cathy Estavillo, Amihan Secretary General at pangalawang nominado ng Gabriela Women’s Party. “Ang numero unong tagapagtaguyod ng batas na ito ngayon ay ang rehimeng Marcos, at tagapagtanggol ng mga monopolyong trader, importer, mga panginoong maylupa, at pahirap sa mga magsasaka at maralitang konsyumer.”

Papalaki ang bolyum ng iniimport na bigas pero nananatiling mataas ang presyo nito sa merkado. Kahit ang pagpapababa ng rehimen sa taripa ng imported na bigas mula 35% tungong 15% ay hindi humila pababa sa presyo.

“(A)ng nakinabang rito ay ang malalaking trader-importer, at hindi ang mga maralitang konsyumer, habang hinambalos naman nito ang kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa,” ayon kay Estavillo.

“Ayaw nilang aminin na ang puno’t dulo nito ay dahil sa Rice Liberalization at pagpasok ng bansa sa mga neoliberal na patakaran. Ang haba ng kanilang mga deliberasyon, sa Lower House at Senate, samantalang nasa harap natin na ang mismong batas ang ugat ng paulit-ulit na krisis sa bigas, ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, na tinanggal ang regulasyon ng estado sa pamamagitan ng NFA, walang kontrol sa mga presyo at nagdomina ang pribadong sektor,” aniya.

Panawagan ng Amihan at mga grupong magsasaka, ibasura na ang RLL at ibalik ang kapangyarihan ng NFA na makabili ng lokal na palay na pwedeng ibenta nang mas mura sa mga palengke.

AB: Liberalisasyon at deregulasyon sa industriya ng bigas, pahirap sa sambayanan