Balita

Libu-libo, nagtipon para gunitain ang ika-39 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA

Nasa 10,000 ang nagtipon sa pinag-isang protesta bilang paggunita sa ika-39 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA noong Pebrero 25. Nagsanib pwersa sa protestang ito ang Tama Na Alliance, Bagong Alyansang Makabayan, One Taft Alliance, Duterte Panagutin Network, estudyante, manggagawa, taong simbahan at maraming pang iba.

Nagkaisa sila para mariing ipaabot sa rehimeng Marcos ang kanilang panawagan laban sa korapsyon at kawalang pakundangan. Gayundin, ipinanawagan nila ang kagyat na pagpapatalsik kay Sara Duterte, ang bise-presidente ni Ferdinand Marcos Jr. Tangan ang temang “Isabuhay ang diwa ng EDSA!,” pinahalagahan ng makasaysayang pag-aalsa bilang tagumpay ng mamamayang Pilipino na nagpatalsik sa diktadurang Marcos noong 1986.

Bago nito, tinanggal ng rehimeng Marcos sa listahan ng mga non-working holiday ang Pebrero 25, at ginawa na lamang itong “special holiday” (ibig sabihin may trabaho at pasok pa rin) sa tangkang burahin ang mahalagang petsa na ito sa kasaysayan ng Pilipinas. Bilang tugon, higit 70 mga paaralan ang nagdeklara ng walang pasok para bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante, guro at mga akademiko na lumahok sa iba’t ibang aktibidad sa paggunita ng pag-aalsa.

Sa Bicol, pinangunahan ng Bayan Muna-Camarines Sur ang isang pagtitipon sa Naga City. Inilunsad ang asembliya ng progresibong partido at pagkatapos nito ay nagmartsa ang mga lumahok mla Barangay Igualdad covered court papuntang Plaza Quince Martires.

Sa Bacolod City, nagmartsa ang iba’t ibang progresibong grupo at partido sa tungong mula Rizal Park tungong Bacolod City Public Plaza. Sa Dumaguete, Negros Oriental, nagkaroon ng pagtiitpon sa Silliman University sa ilalim ng temang “Bumalik-tanaw, Bumalikwas.” Ang pagtitipon ay inorganisa ng SU Student Government, Dakila Dumaguete, SU Divinity School, at Kabataan Partylist-Negros Oriental.

Sa Iloilo City, nagtipon ang mga grupo sa Western Visayas State University at UP-Iloilo at nagmartsa tungong Iloilo Provincial Capitol.

Sa Metro Manila, nag-walk-out ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines sa mga kampus nito sa Santa Mesa at Quezon City at tumungo sa EDSA. Nagkaroon din ng mga pagtitipon ang mga estudyante sa UP-Diliman, University of Sto. Tomas at iba pang unibersidad bago sila nagtungo sa EDSA.

Nagkaroon ng protesta sa loob ng UP-Los Banos habang nag-walk-out ang mga estudyante sa Cavite State University.

Nag-walk-out din at naglunsad ng protesta ang mga estudyante sa loob ng UP-Tacloban. Panawagan ng mga nagprotesta ang pagpapalaya sa Tacloban 5, paghatol kay Bise Presidente Sara Duterte, at pagsasabuhay sa diwa ng EDSA.

Sa University of Eastern PHilippines sa Catarman, nagpaskil ang mga pahayagang pangkampus na The Pillars ng mga plakard sa harap ng kanilang upisina para ipanawagan ang paglaban sa pambabaluktot ng kasaysayan, atake sa malayang pamamahayag at anti-mamamayang mga patakaran ng kasalukuyang rehimeng Marcos.

Sa Davao City, nagtipon sa Freedom Park ang mga progresibong grupo. Nagtipon at nagsindi ng mga kandila ang mga estudyante at guro sa loob ng kampus bilang pagsasabuhay sa diwa ng EDSA, at pakikiisa sa panawagan para sa kalayaan, hustisya at kapayapaan.

Nakiisa ang National Democratic Front (NDF) sa paggunita sa pag-aalsang EDSA habang hinihimok ang mamamayan na “dalhin ang mga tagumpay nito sa rebolusyonaryong kongklusyon.”

“Nananatiling makasaysayang pangyayari ang EDSA People Power ng paglaban ng mamamayang Pilipino sa tiraniya,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP. Mahalagang alalahanin ang mga aral nito sa harap ng paghahari ng mga tiranikong paksyon sa buong bansa.

“Ang natatanging karanasan ng nagkakaisang pakikibakang EDSA laban sa isang diktudura ay mananatili lamang na buhay kung dadalhin ito sa kanyang rebolusyonaryong kongklusyon, tungo sa pagbubuo ng isang demokratikong gubyernong bayan at ang pagkamit ng kumprehensibong pagbabago sa lipunan na hinahangad at nararapat sa mamamayan; isang pagbabago sa lipunan na may tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, tunay na demokrasya at kalayaan mula sa imperyalistang kontrol,” ayon kay Dipasupil.

AB: Libu-libo, nagtipon para gunitain ang ika-39 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA