Libu-libong estudyante, guro at kawani ng UP Baguio, UP Cebu, nag-walkout kontra korapsyon
Halos 3,000 estudyante, guro at kawani mula sa University of the Philippines (UP)-Baguio at UP Cebu ang lumahok sa inilunsad na walkout ngayong linggo laban sa korapsyon at katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos. Kasunod ito ng higit 5,000 nagprotesta at nagmartsa sa UP Diliman, UP Clark, UP Manila at UP Tacloban noong nakaraang linggo.
Sa UP Baguio, nasa 1,800 indibidwal ang lumahok sa walkout at martsa sa kampus noong Setyembre 17. Higit 50 mga konseho, organisasyon at iba pang samahan ang pumirma sa nagkakaisang manipesto na bumabatikos sa malawakang korapsyon sa pagitan ng gubyerno at mga pribadong kontratista.
Ayon sa UP Baguio University Student Council (UPB USC), na nanguna sa demonstrasyon, napapanahon ang ganitong mga pagkilos laban sa korapsyon laluna at gugunitain ang ika-53 deklarasyon ng Batas Militar sa Setyembre 21. “Walang pinag-iba ang kalagayan ng ating lipunan mula noong panahon ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyan. Patuloy ang paghihirap ng sambayanang Pilipino, at nananatiling talamak ang pagyurak ng estado sa karapatan ng mamamayan,” pahayag ng konseho.
Dagdag nito, habang nag-aagawan ng kapangyarihan ang rehimeng Marcos at ang kampong Duterte, patuloy na winawaldas ng mga burukrata-kapitalista ang kaban ng bayan. “Lalong lumolobo ang bulsa ng mga korap at tiwaling opisyal ng gobyerno, kasama ang kanilang mga kasabwat,” ayon sa UPB USC.
Sa lakas ng boses at pagkakaisa ng mga estudyante sa kampus, nahimok nito si UP Baguio Chancellor Joel Addawe na magdeklara ng suporta sa pagkilos ng mga estudyante.
Pinagpugayan naman ni Gab Siscar, tagapagsalita ng Kabataan Partylist Cordillera, ang matagumpay na pagkilos sa UP Baguio. “Let’s keep this atmosphere of protest at magkita-kita tayo sa Sept 21 together with other sectors ng Baguio at Benguet! Matakot ang mga korap sa galit ng kabataan!” aniya.
Sa UP Cebu, tinatayang 1,000 estudyante, mga guro at kawani ang nakibahagi sa walkout noong Setyembre 15. Pinangunahan ang malawak na protesta ng alyansang UP Cebu Kilos Na. Sinuportahan rin ang protesta ng mga administrador ng kampus.
Simbolikong tinakluban ng mga estudyante ng itim na tela ang Oblation bilang pagpapakita ng kanilang paglaban at pagtindig sa korapsyon. Sa talumpati ni Jorosh Diamola, tagapangulo ng UP Cebu USC, binigyang diin niya ang dinaranas na krisis sa edukasyon sa bansa sa harap ng mga kaltas-pondo at panunupil ng rehimeng Marcos.
“Bantog ang pamilyang Marcos sa pagnanakaw at pang-aabuso sa mamamayan, at ngayon ay patuloy nilang gingawa ito sa Malacañang kasama si Sara Duterte na nangurakot ng bilyun-bilyong confidential ug intelligence funds,” ayon kay Diamola. Dobleng sampal umano sa mukha ng kabataang Pilipino ang pangungurakot na ito sa harap ng kawalan ng pondo para sa edukasyon at mga batayang serbisyong panlipunan.
Ayon sa UP Cebu Kilos Na, malinaw ang katotohanan na pinipiga ng burukrata-kapitalismo ang mamamayan at lubhang apektado nito ang mga estudyante at karaniwang mamamayan. “Hindi ito ang panahon ng pagiging kimi, malinaw na hindi panahon para manahimik,” anito.
Tuluy-tuloy ang panawaga ng alyansa sa mga estudante, guro, kawani at iba pang sektor sa loob at labas ng UP Cebu na makisangkot at lumahok sa mga ilulunsad pang kilos protesta sa susunod na mga araw.
Nag-anunsyo na ang mga konseho ng mag-aaral sa mga kampus ng UP sa buong bansa at ang UP Office of the Student Regent na lalahok sila sa malawakang protesta sa Setyembre 21. Kabilang ang mga lider-estudyante ng UP na nakabase sa Metro Manila sa mga mangunguna sa laksang demonstrasyon sa Luneta Park, Maynila.