Libu-libong estudyante ng UP, nag-walkout, boykot sa klase kontra korapsyon
Higit 5,000 estudyante ng University of the Philippines (UP) ang nag-walkout at nagboykot sa klase noong Setyembre 12 bilang protesta laban sa korapsyon at anomalya sa gubyerno laluna sa mga proyektong flood control sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ikinasa ang boykot sa apat na kampus ng UP kabilang ang Diliman sa Quezon City, Manila, Pampanga at Tacloban City bilang bahagi ng serye ng mga demonstrasyon at aktibidad kontra korapsyon sa nagdaang mga linggo.
Sa UP Diliman, tinatayang aabot sa 5,000 estudyante, guro at tagasuporta ang lumahok sa martsa sa kampus. Ayon sa UP Diliman University Student Council, isa sa mga nanguna sa pagkilos, nagsilbing malinaw na mensahe ng pagkakaisa at paninindigan ng kabataan kontra korapsyon ang naturang pagkilos.
Dumaluyong sa Palma Hall ang mga estudyanteng nakasuot ng itim bandang tanghali mula sa kani-kanilang kolehiyo kung saan naglunsad ng lokal na programa ang mga konseho ng mag-aaral, pambansa-demokratikong grupo at iba pang samahan. Ang protesta ang maituturing na pinakamalaking demonstrasyon sa kampus sa loob ng halos isang dekada.
Umalignawngaw ang mga sigaw ng mga iskolar ng bayan para panagutin ang lahat ng mga kurakot kasabay ng malalakas na tambol at mga progresibong awitin. Ayon sa mga grupo, napakalaki ng kinukulimbat ng mga kontratista at pulitiko sa mga bulok na proyekto habang napakatagal nang nakabimbin at hindi umuusad ang konstruksyon ng mga pasilidad sa kampus.
Ayon kay UPD USC Chairperson Joaquin Buenaflor, “Simula pa lang ito ng lumalawak at lumalakas na protesta.”
Sa UP Manila, iniulat na higit 600 estudyante ng kampus ang lumahok sa protesta at martsa. Binatikos nila ang korapsyon sa gubyerno na lalong nagpapatingkad sa kasalatan ng espasyo sa kampus at mabagal na usad ng konstruksyon sa maraming gusali.
Kabilang sa kinundena ng mga grupo ang matagal nang pagkaantala ng pagsasaayos sa Rizal Hall na nakakontrata sa halagang ₱30 milyon sa St. Timothy Construction Corporation, kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Discaya. Mahigit anim na taon na ang lumipas ngunit nananatiling hindi pa rin tapos ang nasabing konstruksyon.
Sa UP DEPPO sa Clark, Pampanga, mahigit 200 estudyante ang nagwalk-out sa klase bilang pakikiisa sa araw ng protesta. Sa UP Tacloban, hindi bababa sa 120 estudyante ang nagprotesta sa kabila ng pag-ulan.
Sa pagpupursigi ng mga konseho ng mag-aaral sa apat na kampus, nakuha nila ang suporta ng mga tsanselor, dekano at direktor ng ilang mga kolehiyo para sa demonstrasyon. Ang pagpapamalas ng suporta ng ilang mga administrador ng UP ay nagpapakita ng matinding mensahe kontra sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
“Galit na ang mga Iskolar ng Bayan sa iba’t ibang bahagi ng UP System sa tumitinding katiwalian at korapsyon habang nananatiling salat sa pondo ang sektor ng edukasyon,” pahayag ng UP Office of the Student Regent.
Nanawagan ang mga konseho at grupo sa mga kapwa nila estudyante at kabataan na malawakang lumahok sa darating pang mga pagkilos, laluna sa isasagawang Bilyon People March sa Setyembre 21 sa Luneta Park. Kasabay ito ng araw ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, panahon ng matitinding paglabag sa karapatang-tao at malawakang korapsyon at pandarambong ng pamilyang Marcos.