Linggo-linggong protesta para sa CBA, ikinasa ng unyon sa Technol Eight Philippines
Simula huling linggo ng Setyembre, pitong beses nang nagprotesta ang mga manggagawang kabilang sa Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU)-OLALIA-Kilusang Mayo Uno para itulak ang pagtutuluy-tuloy ng negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Nagpatuloy ang mga protesta hanggang kahapon, Oktubre 16 at ngayong araw, Oktubre 17, sa tapat ng pagawaan sa Biñan, Laguna.
Nakasalang sa negosasyon ang dagdag-sahod, regularisasyon sa mga manggagawang hawak ng labor agency, at iba pang mga karapatang pang-ekonomya at pampulitika ng mga manggagawa.
Sa protesta kahapon, ipinahayag ng unyon ang pagkadismaya nito sa pag-aantala ng maneysdment sa negosasyon. “Mistulang sinasadya ng kapitalistang patagalin ang negosasyon at napakaraming mga punto pa mula sa CBA Proposal ng unyon ang hindi mapahintulutan ng kapitalista,” pahayag nito.
Ibinahagi ng unyon sa isang panayam na napakalayo ng alok na dagdag-sahod ng kapitalista para sa kanila. Nagkaroon rin umano ng “deadlock” sa negosasyon ngayong araw dahil tumatanggi ang kumpanya na gawing regular ang 30 kontraktwal ng Segen Agency.
Higit na tibay ng loob ang ipinakita ng unyon sa kauna-unahang beses na paglahok ng mga manggagawang kontraktwal sa pagkilos ngayong araw. Inilunsad nila ito sa break time ng mga manggagawa.
Ang kumpanyang Technol Eight ay gumagawa ng body shell para sa mga sasakyang Innova at Vios.