Balita

Lokal na mga grupo sa Metro Manila, tumindig kontra korapsyon

Inilunsad ng mga progresibong grupo at sektoral na organisasyon ang sabay-sabay na demonstrasyon noong Setyembre 12 sa iba’t ibang syudad sa National Capital Region (NCR) bilang pagbatikos sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ang lokalisadong mga protesta, na inilunsad sa anim na syudad ng mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-NCR, ay paghahanda para sa inaasahang malaking pagkilos sa Setyembre 21.

SA QUEZON CITY, inilunsad ng mga progresibong grupo ang protesta sa Philcoa sa Commonwealth Avenue, sa University of the Philippines-Diliman, sa Katipunan Avenue, at Novaliches. Binatikos nila ang higit 250 flood control project na pinondohan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa syudad habang dalawa lamang dito ang aprubado.

“Habang ang mamamayan ng QC ay lubog sa baha tuwing umuulan, ang mga burukrata kapitalista ay nagpapakasasa sa pera ng taumbayan na dapat pinagsisilbihan nila,” pahayag ng Bayan-QC. Dagdag ng grupo, sa halip na matugunan ang pabaha ay mas tumindi lamang ang sakuna na kanilang dinaranas dahil sa mga anomalya at pangungurakot.

Kabilang sa lumahok sa pagkilos sa Philcoa ang grupong KYUSI 4 Truth and Accountability. Noong Setyembre 8, binatikos ng grupo ang mga pulitiko sa syudad na lumilitaw na sangkot sa panunuhol at kikbak para sa mga proyektong flood control na pinatatakbo ng pamilyang Discaya.

Kabilang sa mga pinangalanan ng mga Discaya na sangkot sa korapsyon sa Quezon City sina Arjo Atayde, Marvin Rillo, Patrick Michael Vargas, at Marivic Co-Pilar. Sinasabing nakatatanggap ang mga kongresista ng 10%-25% kikbak sa mga kontrata na tinawag ng grupo na “larawan ng sistematikong korapsyon” sa syudad at bansa.

Sa Novaliches, pinangunahan ng Anakbayan-Novaliches ang protesta. “Bitbit ng mga kabataang Novaleño ang panawagan hinggil sa pagkakaroon ng transparency sa pondo na nilaan sa mga proyekto—lalo isa sa mga nadawit ng Discaya ay ang kongresista ng District 5, QC na si Cong. PM Vargas,” anang grupo.

Ayon sa grupo, malinaw na hindi napunta sa mga proyekto at serbisyong publiko ang nakalaan na ₱3.2 bilyon na badyet para sa mga flood control project sa District 5 ng Quezon City dahil lubog sa baha ang mga barangay. “Umay na umay na ang Novaleños na sa konting patak lang ng ulan ay kailangan na nilang iakyat ang kanilang mga gamit,” anito.

Sa Katipunan Avenue, pinangunahan ng League of Filipino Students-Katipunan ang pagkilos pangunahin ng mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU). Dismayado ang grupo ng kabataan sa tinawag nitong nagpapaikot-ikot na mga huwad na imbestigasyon ng rehimeng Marcos sa mga anomalya sa flood control project.

Sa UP Diliman, inilusad ng mga estudyante, kaguruan at mga tagasuporta ang walkout at pagboykot sa klase sa araw na iyon. Tinatayang 5,000 katao ang nagmartsa at nakiisa sa demonstrasyon ng kabataan kontra korapsyon. (Basahin ang kaugnay na balita: Libu-libong estudyante ng UP, nag-walkout, boykot sa klase kontra korapsyon)

SA MAYNILA, naglunsad ng pagkilos ang sektor ng mga kabataan at kababaihan sa mga unibersidad sa Taft at Kalaw Avenue, at sa Quiapo.

Pinangunahan ng Gabriela-NCR ang protesta ng mga kababaihan sa Carriedo, Quiapo kung saan inilunsad nila ang isang kalampagan. Inilunsad ang pag-iingay bilang pagpapakita ng kanilang galit sa mga naganap na pagkakalantad ng bilyun-bilyong piso halagang naibulsa ng mga kontraktor at kasabwat nilang pulitiko mula sa flood control project.

“Hanggang ngayon nalulubog pa rin tayo sa baha, marami pa rin ang pumipila sa mga opisina ng pulitiko para sa limos na inibigay nila sa mga nagpapagamot sa ospital, dagsa pa rin ang pumipila at nagbabakasakali sa DSWD para sa financial assistance, nag-aabang pa rin ng TUPAD ang mga walang trabaho, mababa pa rin ang sahod ng karaniwang manggagawa, mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at yutilidad,” pahayag ni Maris, tagapangulo ng grupo.

Aniya, nasa pagkakaisa ng kababaihan at mamamayan ang pagbabago at pagpapanagot, lalo na at maingay sa mga katulad nating bansa ang korapsyon. “Matagal na tayong galit sa katiwalian, pagkaisahin natin ang ating mga galit magsama-sama tayo para sa iisang panawagan na dapat managot ang lahat ng mga sangkot! Burukrata kapitalista Ibagsak!” panawagan niya.

Sa Kalaw Avenue, isang human chain ang binuo ng mga estudyante at pormasyon sa ilalim ng One Taft Alliance para ipahayag ang pagkadismaya sa korapsyon sa ilalim ng rehimen. Bago ang human chain ay lumahok sa lokal na protesta at walkout sa UP Manila ang mahigit 600 estudyante, mga propesor at kawani sa kampus.

Ayon sa alyansa, kamakailan lamang dahil sa malalang baha sa Taft Avenue ay unang beses bahain ang loob ng Adamson University, Philippine General Hospital, UP Manila, at iba pang mga erya na dating hindi naman binabaha. “Walang-duda na ito ay dahil sa anomalya at pagnanakaw sa mga peke at palpak na flood control project,” anito.

Ang One Taft ay binubuo ng mga estudyante at grupo mula sa De La Salle University, UP Manila, Adamson University, Technological University of the Philippines at Philippine Normal University.

SA CALOOCAN CITY, pinangunahan ng Bayan-Caloocan at Defend CAMANAVA ang pagkilos ng mga organisasyon at residente sa harap ng Victory Mall sa Monumento. Kabilang sa lumahok sa pagkilos ang mga organisasyon at samahan mula sa kalapit na mga lugar ng Caloocan kabilang ang Malabon, Navotas at Valenzuela.

SA MUNTINLUPA CITY, magkakasamang nagprotesta ang mga grupo mula sa Las Piñas, Muntinlupa, at Parañaque para irehistro ang galit sa korap na rehimeng Marcos. Inilunsad nila ang piket at kalampagan sa Alabang Junction.

“Ito na ang panahon na para mangalampag! Kalampagin ang konsensya ng mga nasa kapangyarihan, mula sa pambansa hanggang sa lokal na mga opisyales! Kalampagin tayo sa bulok na sistema! Kalampagin ang mga Burukratang Kapitalista!” pahayag ng Anakbayan-Las Piñas.

SA TAGUIG CITY, isinagawa ng Anakbayan Taguig, Anakbayan Pasay at Alyansa ng Maralita sa Taguig ang lokal na protesta sa Minipark, Fort Bonifacio. Anila, sawa na ang mga Taguigeño sa harap-harapang panloloko at pandarambong ng rehimeng Marcos sa mamamayang lubog na lubog na sa krisis na kagagawan ng estado.

SA MARIKINA CITY, naglunsad rin ng protesta ang mga grupo sa Fortune, Champaca Terminal. Kabilang ang syudad sa pamalagiang nalulubog ng baha tuwing umuulan.

Ayon kay Ruben Gabas, tagapagsalita ng Alyansa ng mga Kabataan Kontra Korapsyon (Aksyon), hindi simpleng kaso ng “kasakiman” ang usapin ng pagnanakaw ng mga pulitiko, kontratista at lahat ng sangkot kundi manipestasyon ng isang bulok na sistemang nakaugat sa burukrata kapitalismo.

“Ito ay lantarang manipestasyon ng burukrata kapitalismo kung saan ginagawang negosyo ng mga pulitiko kasama ang kanilang mga kroni tulad nitong mga kontraktor at nagpapakasasa sa kapangyarihan at kaban ng bayan,” pahayag ni Gabas. Dagdag pa niya, habang nagbubulsa ng bilyon ang mga burukratang kapitalista ay milyun-milyong Pilipino ang nagdurusa sa baha, sa kakulangan ng paaralan, ospital, at pabahay.

Binati ng Bayan-NCR ang naging matagumpay na pagkilos ng mga lokal na grupo sa iba’t ibang syudad sa rehiyon. “Panawagan ng taumbayan ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos,” pahayag nito.

Dagdag ng grupo, dapat asahan ng rehimeng Marcos na hanggat walang katarungang nakakamit ang taumbayan sa kinurakot na pondo ay babahain ng protesta ang lansangan ng kamaynilaan. “Kinakailangan nang matigil at maparusahan ang lahat ng burukrata kapitalistang pinapatakbo nang parang negosyo ang gubyerno,” anito.

AB: Lokal na mga grupo sa Metro Manila, tumindig kontra korapsyon