Balita

Mababang presyo ng bilihan ng palay at kamatis, inalmahan ng mga magsasaka sa Nueva Ecija

,

Lubhang napakababa ang presyo ng bilihan ng palay at kamatis sa Nueva Ecija na ikinalulugi ng mga magsasaka.

Ayon sa ulat ng Radyo Natin Guimba, nasa ₱16.50, taliwas sa sinasabi ng Department of Agriculture na nasa ₱20/kilo ang bilihan nito sa ngayon. Malapit na ang anihan sa prubinsya, at tinatayang lalupang bababa ang presyo ng bilihan ng palay sa susunod na mga linggo. Halos lahat ng gastos ng mga magsasaka sa palayan ay inuutang lamang, kaya doble ang hambalos sa kanila sa napakababang bilihan ng ani. Lugi na sila, baon pa sila sa utang.

Samantala, nasa ₱4/kilo na lamang ang bilihan ng kamatis sa prubinsya. Dahil dito, may ilang kilo nang kamatis ang itinatambak na lamang sa mga tabing kalsada kaysa pagkagastusan pa ng mga magsasaka na ibyahe sa mga palengke.

“(A)ng nakapababang farm gate price ng kamatis…ay kongkretong halimbawa ng masamang epekto sa mga magsasaka ng patakarang liberalisasyon ng agrikultura o na inaasa lang sa private sector ang pangangalakal ng mga pagkain, at walang produksyon at suporta sa pagbebenta mula sa gubyerno,” pahayag ng Amihan National Federation of Peasant Women noong Pebrero 27.

“Puro press release ang gubyerno at DA na reresolbahin raw ang krisis sa pagkain pero eto na naman, bagsak ang presyo ng kamatis sa Pangasinan at Nueva Ecija dahil sa dikta ng mga trader. Habang noong nakaraang buwan, napakamahal naman ng presyong retail nito. Walang kaduda-duda, walang silbi ang gubyerno at DA, at si Tiu-Laurel ay puro yabang at panlilinlang lang,” ayon kay Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.

Ani Soriano, sa napakataas ng gastos sa pagsasaka dahil sa napakamahal na inputs, makatarungan lamang na manawagan ang mga magsasaka ng sapat at maayos na presyo ng pagbili sa kanilang mga produkto. Panawagan din ng kababaihang magsasaka sa mamamayang Pilipino na suportahan ang kanilang sektor at labanan ang kontrol ng mga komersyante at importer sa pagtatakda ng presyo at suplay ng pagkain sa bansa.

AB: Mababang presyo ng bilihan ng palay at kamatis, inalmahan ng mga magsasaka sa Nueva Ecija