Mag-asawang sibilyan, pinaslang ng militar sa Masbate

Namatay sa pamamaril ng mga sundalo at elemento ng CAFGU ang mag-asawang sina Jover “Dodo” Villegas, 40 anyos, at Aimee Villegas na taga-Sityo Basak, Barangay Luna, Placer noong Setyembre 21, bandang alas-5 ng umaga. Para makatakas sa pananagutan, pinalalabas ng mga berdugo na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napatay sa engkwentro ang dalawa. May apat na anak ang mag-asawa.

Sa ulat ng mga kaanak ng mga biktima, papunta sa kanyang sakahan para asikasuhin ang kanyang kalabaw si Jover nang bigla na lamang siyang binaril ng mga elemento ng militar at CAFGU. Kaagad pumunta ang kanyang asawa sa lugar matapos makarinig ng putok at doon ay binaril din siya ng mga berdugo. Niratrat pa ng mga sundalo ang mga biktima hanggang sa madurog ang mukha ni Jover at matanggal ang mata.

Pinasubalian kaagad ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate, ang akusasyong mandirigma ng BHB. Aniya, “walang anumang kaugnayan ang mga biktima sa rebolusyonaryong kilusan. Taliwas ito sa pahayag ng militar na may koneksyon ang dalawa sa BHB.”

Maging sa mga paskil sa social media ng mga kaanak, pinasubalian nilang nagkaroon ng engkwentro sa naturang lugar. Iginiit nilang mga sibilyan ang mag-asawang Villegas at na kilala nila ang mga ito. Ibinunyag nilang sadyang pinatay sila ng mga sundalo. Nanawagan din sila ng hustisya sa mga ahensya ng gubyerno.

“Hindi man ganun kadali makuha ang hustisya pero hindi ko kayo susukuan,” ayon sa anak ng mga biktima na si Jamaica Villegas. Samantala, labis ang galit ni Marivic Grajo, kapatid ni Aimee, sa mga sundalo. “Anong klaseng mga sundalo kayo, ganyan ba talaga ang pagtingin niyo sa mga taong dapat ninyong pinuprotektahan?” tanong niya.

Para pagtakpan ang kanilang krimen, binihisan pa ng mga sundalo ang bangkay ng mga biktima at nilagyan ng ammo pouch para lamang pagmukhaing armadong kasapi ng BHB.

Ipinanata naman ng BHB-Masbate na kakamtin ang rebolusyonaryong hustisya para sa mag-asawa. Anito, “dapat panagutin ang rehimeng US-Marcos II, mga upisyal ng militar at mga lokal na kasabwat tulad ni Governor Kho sa pagpatay sa mag-asawang Villegas at sa iba pang biktima ng kampanyang teror ng AFP-PNP-CAFGU.”

Ipinanata ng BHB-Masbate na mabibigyan ng rebolusyonaryong hustisya sa sinapit ng mag-asawa. Anito, “dapat panagutin ang rehimeng US-Marcos II, mga upisyal ng militar at mga lokal na kasabwat tulad ni Gov. Kho sa pagpatay sa mag-asawang Villegas at sa iba pang biktima ng kampanyang teror ng AFP-PNP-CAFGU.”

Sa pamantayan ng internasyunal na makataong batas, mga batas ng digma at iba pang internasyunal na deklarasyon na nagbibigay ng proteksyon sa mga sibilyan at di-kombatant saan man may armadong sigalot, ang pamamaril at pagpatay ng mga sundalo sa mga sibilyan ay tahasang paglapastangan sa mga ito.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”

Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Samantala, lubhang labag din ito sa Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 ang pagpatay sa kababaihan. Anito, isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang belligerent sa kasagsagan ng operasyong militar nito (Bilang 5).”

AB: Mag-asawang sibilyan, pinaslang ng militar sa Masbate