Magarbong bakasyon ni Marcos Jr sa Singapore, kabi-kabilang binatikos

,

Nakatanggap ng magkakasunod na batikos si Ferdinand Marcos Jr matapos dumalo sa isang magarbong aktibidad sa Singapore noong Sabado at Linggo. Kasama ang kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez, at kanyang anak na si Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos, nanood si Marcos ng Formula One Grand Prix race.

Galit na sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at lider nitong si Ka Paeng (Rafael Mariano), “Kahiya-hiya! Habang ang mga magsasakang Pilipino ay bumabangon pa matapos maapektuhan ng superbagyo, si Marcos Jr ay nagpapakasaya ay nagrerelaks sa ibang bansa.”

Umuupong kalihim ng Department of Agriculture si Marcos. Hindi bababa sa ₱3 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura na dulot ng bagyong Karding.

Si Marcos at ang kanyang mga kasama ay napabalitang nasa ekslusibong F1 Paddock Club ng Grand Prix na nagkakahalaga ng 8,000 Singaporean dollars para sa dalawang araw o higit-kumulang ₱330,000.

“Ang kanyang aksyon at maluhong pamumuhay ay hindi akma para sa isang pampublikong upisyal,” dagdag pa ni Ka Paeng. “Mas maraming oras pa ang inilaan ni Marcos Jr para sa mga selebrasyon, pagdiriwang at pagpunta sa ibang bansa…kaysa asikasuhin ang mga problema ng bansa,” pagdidiin ni Ka Paeng.

Para sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kasalukuyang nasa krisis ang bansa dahil sa implasyon at lumalaking utang panlabas, pero inaakala “ni Marcos na pwedeng sumakay lamang ng jet papuntang Singapore para magliwaliw. Ginamit ni Marcos ang mamahaling Gulfstream jet na binili ng dating presidenteng Rodrigo Duterte sa dahilang gagamitin diumano ito bilang “command center” ng Armed Forces of the Philippines.

“Magkano ang ginastos para rito na mula sa buwis ng mga Pilipino?” pagtatanong ni Renato Reyes Jr, pangkalahatang kalihim ng Bayan. “Ang ‘weekend getaway’ ni Marcos sa Singapore ay hindi kailangan at iresponsable,” aniya.

Pinansin ng mga grupo na papalapit na ika-100 araw sa pagkapangulo ni Marcos Jr.

“Sa unang 100 araw ni Marcos Jr. sa Malakanyang, mas marami pa ang araw niya para sa mga party, bakasyon, at pahinga. Ang tanong ngayon ng marami—nagtatrabaho ba talaga siya?” ani Ka Paeng.

Ayon naman kay Reyes, giit ng taumbayan ang kongkretong tugon sa krisis sa ekonomya, hindi pangulo na puro piging ang inaatupag.

AB: Magarbong bakasyon ni Marcos Jr sa Singapore, kabi-kabilang binatikos