Balita

Magkasunod na operasyong haras, inilunsad ng BHB-Masbate

Binulabog ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate (Jose Rapsing Command) ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa magkasunod na operayong haras sa dalawang magkahiwalay na kampo militar sa bayan ng Milagros, Masbate noong Agosto 10. Ayon sa yunit, bahagi ito ng pagpapamalas ng kanilang pagkundena sa isinasagawang Pacific Partnership 2024-2 (PP24-2) “humanitarian mission” ng mga tropang Amerikano at Pilipino sa Legazpi City, Albay sa rehiyong Bicol mula Agosto 1 hanggang 14.

Pinatamaan ng BHB-Masbate ang kampo ng 93rd Division Reconnaissance Company sa Sityo San Jose, Barangay Hamorawon at kampo ng 2nd IB sa Barangay San Antonio alas-9 ng gabi. Ayon sa hukbong bayan, ang 2nd IB at 93rd DRC ay kabahagi sa mga armadong pwersang nagsisilbing gwardya ng mga tropa ng US sa Pilipinas.

“Sa pamamagitan ng inilunsad na aksyong gerilya ng BHB-Masbate, nais ipabatid ng mga Masbatenyo ang pagkundena sa anumang mga aktibidad at pakana ng US na may layuning idawit ang Pilipinas sa planong pakikipaggera ng Amerika laban sa imperyalistang karibal nito na China,” pahayag ni Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB-Masbate.

Ang US PP24-2 na ginaganap sa Legazpi City ay isang operasyong militar ng US na naglalayong gawing katanggap-tanggap para sa masang Bicolano ang paglapastangan ng US sa soberanya ng bansa sa palabas na “humanitarian mission” at pakikipagkaibigan ng imperyalismong US. “Kinukundisyon ang isip ng mamamayan na masasandalang alyado ang US upang palabasing normal ang presensya ng dayuhang tropa sa bansa at ang panghihimasok militar,” ayon pa kay Ka Luz.

Ginagamit lamang umano na pantabing ang aktibidad na ito para sa mga war games tulad ng geographic information systems, emergency operations, mountain at urban search and rescue bilang paghahanda sa pinasisiklab nitong gera.

Lubos-lubos din ang pagsisikap ng 9th ID, sa utos ng among imperyalistang US, na tugisin ang mga yunit ng BHB sa Bicol sa panahon ng aktibidad ng US dito para hadlangan ang pagtutol ng mga Bicolano sa war games.

Samantala, inihayag ng BHB-Masbate na pagsisikap rin ang armadong atake para bigyang hustisya ang mga biktima ng abusong militar, pang-aagaw ng lupa at iba pang pambubusabos na pinangungunahan ni Masbate Gov. Antonio Kho sa prubinsya.

AB: Magkasunod na operasyong haras, inilunsad ng BHB-Masbate