Balita

Magkasunod na rali, inilunsad para sa ika-61 anibersaryo ng KM

, ,

Naglunsad ng magkasunod na rali ang mga balangay ng Kabataang Makabayan (KM) noong Nobyembre 27 at 28 sa Metro Manila para ipagdiwang ang nalalapit na anibersaryo ng rebolusyonaryong organisasyon. Gugunitain ng KM ang ika-61 anibersaryo nito sa Nobyembre 30.

Sa Quezon City, pinangunahan ng mga balangay ng KM-Andres Bonifacio at KM-Antonio Zumel ang rali ng higit 60 katao sa loob ng kampus ng University of the Philippines-Diliman noong Nobyembre 27. Nakiisa sa pagkilos ang iba pang alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) tulad ng Liga ng Agham para sa Bayan, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan (Armas), at iba pa.

Sa talumpati sa programa, sinaluduhan ng KM-Andres Bonifacio at KM-Antonio Zumel ang iba pang mga balangay ng KM sa bansa na nagpupunyagi at patuloy na nagpapalakas. Ayon sa kanila, sa harap ng umiigting pang krisis sa pulitika sa ilalim ng rehimeng Marcos-Duterte ay lalong tumitining ang hamon sa mga kabataan na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

“Habang daan-daang bilyon ang ninanakaw sa pondo ng mamamayan, at habang hindi matigil ang bangayan, ang turuan at laglagan ng pare-parehong mandarambong sa ating bayan, patuloy na tumitindi ang kahirapan at kagutuman na pinagdudusahan ng milyun-milyong Pilipino,” anila.

Dagdag nila, higit na lumilinaw sa mata ng taumbayan na ang tanging solusyon upang wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo na mga ugat ng korpasyon at kahirapan, ay ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon ng mamamayan.


Sa Maynila, nagmartsa ang mga myembro ng KM-Lucille Gypsy Zabala Brigade sa Recto Avenue noong Nobyembre 28. Nakiisa sa kanilang aktibidad ang Armas-Marlon Caacbay Brigade. Nagdala sila ng mga bandila ng KM, ng NDFP, ng BHB at ng Partido Komunista ng Pilipinas, at malalaking balatengga na nananawagan sa kabataan na lumahok sa digmang bayan.

AB: Magkasunod na rali, inilunsad para sa ika-61 anibersaryo ng KM