Maharlika Wealth Fund, ipinababasura

,

Iniatras ng mga nagpanukala ng Maharlika Investment Fund o MIF ang pakanang kunin sa GSIS at SSS ang ₱150 bilyon para sa inisyal na pondo nito matapos ang kabi-kabilang pagbatikos sa plano. Noong Disyembre 7, nagtungo ang mga manggagawa, kawani at iba pang sektor sa ilalim ng Bayan at Kilusang Mayo Uno sa harap ng Kongreso para ipanawagan ang tulurang pagbabasura sa panukala.

Ipinababasura nila ang buong MIF na magiging balon lamang ng korapsyon ng nakaupong rehimeng Marcos. Anila, ang pamilyang Marcos ay may mahabang rekord at kilala sa buong mundo na mandarambong at magnanakaw ng pondo ng bayan. Hindi ito sagot sa krisis sa ekonomya na dinaranas ng bansa at sa halip ay palalalain lamang nito ang kahirapan ng taumbayan.

“Dapat unahin nila ang mga panukalang tunay na makakatugon sa krisis ng bansa,” ayon sa Kilusang Mayo Uno. “Kung may pondo naman pala na ₱25 bilyon na galing sa pambansang gubyerno, bakit hindi ito ilaan sa ayuda para sa mga pinakamahihirap at nawalan ng kabuhayan?”

Ikinalugod naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pag-atras ng mga mambabatas sa pagkuha ng pondo sa GSIS at SSS. Gayupaman, nagbabala siyang dapat pa ring maging mapagbantay dahil nakasaad sa panukala na kukuha ito ng pondo mula sa pambansang badyet na ang mamamayan pa rin ang magbabayad.

“Kami sa Makabayan… ay naninindigan sa aming pusisyon na dapat itong ibasura,” ani Castro.

Bago nito, tinawag ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ang panukala bilang “iligal.” Ang pondo ng SSS at GIS ay personal na mga kontribusyon ng mga myembro nito, aniya, na dapat nakalaan para sa mga myembro lamang nito.

 

AB: Maharlika Wealth Fund, ipinababasura