Balita

Mahigit 100 rider ng Food Panda sa Eastern Visayas, idineklara bilang mga regular na empleyado

,

Matagumpay na naigiit ng 126 delivery rider ng Food Panda sa Eastern Visayas na kilalanin sila bilang mga regular na empleyado kasunod ng desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa Tacloban City noong Abril 21. Itinuturing ito ng mga tagapagtaguyod sa karapatan ng mga manggagawa bilang makasaysayang hatol na nagtitiyak sa seguridad sa paggawa ng gig workers.

Inihain ng Food Panda Riders Region 8 ang kanilang reklamo noong Agosto 2025 sa NLRC dahil sa pagturing sa kanila ng kumpanya bilang mga freelancer imbes na mga aktwal na empleyado. Anang unyon, hindi totoong “independent contractors” sila dahil kung gayon, dapat ay malaya silang pumasok sa trabaho kung kailan nila nanaisin.

Taliwas sa ganoong kundisyon, isinasailalim sila sa mahihigpit na iskedyul at sinusubaybayan ang kanilang “performance” o pagpapatupad ng trabaho. Katunayan, sinususpinde sila tuwing naoobligang magkansela ng order ng kostumer na hindi nakokontak, at sa pinakamalalang kaso ay maaari pang masisante.

Habang itinuturing bilang “freelancer,” ipinababalikat pa rin sa kanila ang gastusin sa pamamantine ng motorsiklo, gasolina, bayad sa load, uniporme, at delivery bag na nagkakahalaga ng tig-₱2,000. Wala rin silang nakukuhang kumpensasyon o benepisyo sa kabila ng panganib ng maghapon nilang pagbyahe sa lansangan. Noong 2025, isang kasapi ng unyon ang nabundol ng sasakyan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring natatanggap na kumpensasyon mula sa Food Panda.

Inireklamo rin ng unyon ang walang paliwanag na pagbawas sa kanilang kita. Walang paalam na ibinaba ng Food Panda ang kanilang sahod mula sa ₱55 na base rate para sa kada 5-kilometrong deliberi patungo sa ₱25, at ang ₱15 na bayad para sa bawat karagdagang kilometro patungo sa ₱10. Kung dati ay anim hanggang walong oras lamang ang kailangan para kumita ng ₱1,000, ngayon ay kailangan na nilang magtrabaho ng hanggang 12 oras. Dahil sa krisis sa langis ay lalong bumagsak ang kanilang arawang kita patungo sa ₱300-₱500.

Sa ngayon, ang pagkilala pa lamang sa relasyong employer-employee ng Food Panda Riders Region 8 at ng kumpanya ang pinagpasyahan ng NLRC. Nakatakda pa itong magdesisyon sa isyu ng pagbawas ng kita at arbitraryong suspensyon at pagtatanggal sa mga manggagawa. Gayumpaman, nasa mas mahusay na katayuan ang unyon para igiit ang kanilang mga karapatan. “Sa pamamagitan lamang ng kolektibong pakikibaka makakawala ang mga manggagawa sa mga gapos ng pang-aapi,” pahayag ni Normito Ragasa, tagapangulo ng unyon.

Kinilala ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang pagpabor ng NLRC sa mga rider. Anito, dapat kagyat na tumalima ang Food Panda hindi lang sa Eastern Visayas kundi maging sa buong bansa, lalupa’t maraming online platform ang tumatangging kilalanin ang kanilang mga rider bilang empleyado para hindi maobligang magbigay ng sapat na sahod, benepisyo, seguridad sa trabaho, at iba pang karapatan ng mga manggagawa alinsunod sa batas.

“Isa itong napakahalaga at maaaring sabihing makasaysayang desisyon para sa karapatan sa paggawa. Dapat tumalima ang Food Panda at isabansa ang desisyong ito. Ang ibang kumpanyang platform ay dapat sumunod din,” anang CTUHR. Ayon sa grupo, ang mga kumpanyang ito na napakalaki ng kinikita sa nakaraang mga taon ay nakagagawa ng mga paraan para hindi matamasa ng mga manggagawa ang kanilang bahagi sa tubong ito.

Ang Food Panda ay isang internasyunal na online food delivery platform na nakabase sa Singapore at nag-oopereyt sa 400 syudad sa Asia. Noong 2024 ay kumita ito ng €725-€775 milyon o ₱48 bilyon (sa palitang €1=₱61.9 sa parehong taon). Pagmamay-ari ito ng Delivery Hero, isang kumpanyang nakabase sa Germany.

—ulat ng Larab, rebolusyonaryong pahagayang masa sa Eastern Visayas

AB: Mahigit 100 rider ng Food Panda sa Eastern Visayas, idineklara bilang mga regular na empleyado