Malawak na koalisyong manggagawa, nanawagan ng dagdag-sahod sa Araw ng Paggawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Iba’t ibang grupong manggagawa sa ilalim ng National Wage Coalition ang magkakasamang nagmartsa bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw sa Paggawa, Mayo 1, sa Metro Manila para ipanawagan ang pagtataas ng arawang sahod sa bansa. Itinulak nila ang pagsasabatas ng hindi bababa sa ₱150 across-the-board na dagdag sa minimum na sahod. Anang koalisyon, makatarungan ang panawagang itaas ang sahod ng mga manggagawa hanggang sa maabot nito ang nakabubuhay na antas.

Hanggang sa kasalukuyan, nakabalaho pa rin ang panukalang dagdag-sahod sa Kongreso, ayon sa grupo. Bigo si Ferdinand Marcos Jr na harapin at makipagdayalogo sa mga manggagawa sa loob ng dalawang taon sa poder para sa kanilang kahingian. “Nagkaisa ang koalisyon para tuluyang wakasan ang masamang siklo ng inhustisya sa sahod, hindi pagkakapantay-pantay at kahirapang gumugupo sa milyun-milyong pamilya ng mga manggagawa,” pahayag nito.

Naniniwala silang napapanahon nang isabatas ang dagdag sahod na huling ginawa noon pang 1989. Hindi sapat at hindi nakaaagapay ang pabarya-baryang pagtataas na ipinatupad sa pamamagitan ng mga “regional wage board” sang-ayon sa Wage Rationalization Act of 1989. Dapat ideklara itong prayoridad na panukala ng rehimen, anila.

“Sa loob ng 35 taon, nahihirapan ang mga manggagawa na pagkasyahin ang kanilang sahod. Kung hindi sila mangungutang at malulubog sa utang, hindi nila kayang umagapay sa nagtataasang presyo ng kuryente, tubig at gas,” ayon pa sa kanila. Nagdudulot umano ito ng kakulangan sa nutrisyon ng pamilya ng mga manggagawa, malnutrisyon at pagkabansot ng mga bata at nagkukumpromisa sa hinaharap na lakas-paggawa.

Binatikos din ng koalisyon ang kakulangan ng kita at kawalang seguridad sa trabaho na dinaranas ng mga gig workers o mga delivery rider, pagsasamantala at pang-aapi sa kababaihang mga manggagawa at kawalan ng trabaho para sa mga kabataang manggagawa.

Kasabay nito, ipinanawagan din nila ang pagtataas ng sweldo ng mga kawani ng gubyerno tungong ₱33,000 kada buwan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng isang panibagong Salary Standardization Law (SSL). Iginiit din nila ang paggalang sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at iba pa nilang mga karapatan.

Ang koalisyon ay binubuo ng mga unyon, pederasyon at sentrong unyon na bahagi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), at Nagkaisa Labor Coalition (Nagkaisa!).

Pagkatapos ng programa, nagmartsa ang libu-libong manggagawa at iba pang sektor sa pangunguna ng KMU at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) patungo sa US Embassy para batikusin ang kasalukuyang nagaganap na Balikatan Exercises 2024 sa pagitan ng mga pwersang militar ng US at Pilipinas. Nagsimula ang mga pagsasanay sa gera noong Abril 22 at magtatapos sa Mayo 10. Kinundena nila ang pagyurak ng imperyalistang US sa soberanya ng Pilipinas at pagkaladkad sa bansa sa pinatitindi nitong gitgitan sa katunggaling imperyalistang China.

Binatikos rin nila ang isinusulong ng rehimeng Marcos, sa tulak ng US, na charter change (chacha). Pahihintulutan nito ang 100% dayuhang pag-aari sa ilang susing mga sektor ng ekonomya ng bansa.

Kasamang nagmartsa patungong embahada ang mga drayber at opereytor ng dyip sa ilalim ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagka-Isang Terminal ng Transportasyon (Manibela) para sa huling araw ng kanilang tigil-pasada at malawakang protesta kontra sa anti-mahirap at anti-nasyunal na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at kaakibat nitong pwersahang konsolidasyon ng prangkisa.

Marahas na binuwag ng mga pulis ang protesta sa embahada. Ginamitan sila ng water cannon at inaresto ang anim na aktibista. Ilan sa kabataan ang nasugatan dahil sa pambubuwag ng mga pulis. Tinatayang 12,000 ang ipinakat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga raliyista.

Ginunita din ang araw ng mga manggagawa sa mga protesta sa Angeles City, Calamba City, sa Rosario sa Cavite, Legazpi City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City at Davao City.

AB: Malawak na koalisyong manggagawa, nanawagan ng dagdag-sahod sa Araw ng Paggawa