Balita

Malawakang korapsyon sa bansa, kinundena ng mga estudyante sa Isabela

, ,

Mahigit 500 estudyante mula sa Isabela State University (ISU) Echague Campus ang lumahok sa “Campus Walkout” noong Setyembre 26 upang ipahayag ang kanilang pagkundena sa nagaganap na korapsyon sa bansa.

Sa kabila ng matinding pag-ulan dulot ng bagyong Opong, hindi nagpatinag ang mga kabataan. Bitbit ang kani-kanilang gawang mga plakard, nagmartsa sila sa loob ng kampus bago lumabas ng unibersidad kung saan naglunsad sila ng isang oras na programa hinggil sa korapsyon at pagpapanagot sa mga salarin. Kabilang din sa lumahok ang mga guro, alumni ng unibersidad at mga konsehal ng Santiago City at San Isidro, Isabela.

Pinangunahan ng Supreme Student Council (SSC) ng ISU Main Campus, katuwang ang The Forum Publication at ilang mga guro ng unibersidad ang naturang aktibidad. Inendorso din ito ni Dr. Artemio Martin, ang pinuno ng unibersidad.

Ayon kay Heinrich Emmanuel Galabay, Student Regent ng ISU, hindi sila titigil hanggat hindi napapanagot ang mga dapat managot sa gubyerno. Hinimok din niya ang kapwa kabataan na makiisa at kumilos hanggat mayroong nangyayaring mali sa sistema sa pamahalaan.

“Ginawa natin itong walkout dahil ito ang inaasahan mula sa amin. Tayo ay mga iskolar ng bayan at dapat lumalaban para sa mga Pilipino,” paliwanag ni Galabay.

Ayon kay Christopher Respicio, dating presidente ng SSC, isang malaking tagumpay ang walkout hindi lamang para sa kasalukuyang mga estudyante kundi maging para sa mga dating estudyante ng unibersidad na minsang nangarap na makapaglunsad ng protesta sa kampus.

“Masaya ako na sa loob ng maraming taon, narito tayo, nananawagan para sa pananagutan. Unang beses ito (protesta) sa loob ng maraming taon,” dagdag ni Respicio.

Ang ISU-Echague ang unang state university na naglunsad ng walkout sa buong rehiyon.

Nagpahayag ng pagpupugay ang Kabataan Partylist-Santiago City sa mga iskolar ng bayan sa kanilang matagumpay na walkout. Anang grupo, hindi dito magtatapos ang paglaban, patuloy ang pagtindig ng mga kabataan para sa tunay na pananagutan at hustisya.

AB: Malawakang korapsyon sa bansa, kinundena ng mga estudyante sa Isabela