Balita

Malinis na halalan, muling ipinanawagan ng Kontra Daya sa Comelec

,

Muling nagprotesta sa upisina ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila ang Kontra Daya at iba pang mga grupo ngayong araw, Marso 27. Itinaon nila ang protesta isang araw bago magsimula ang pangangampanya ng mga lokal na upisyal para sa eleksyong 2025.

Ipinanawagan ng grupo ang malinis na kampanya at eleksyong 2025 sa kanilang protesta. Anang Kontra Daya, inaasahan nilang mas darami pa ang mga kaso ng bilihan ng boto, karahasang may kaugnayan sa eleksyon, at iba pang mga paglabag sa darating na mga linggo.

Itinampok rin ng grupo ang kanilang panawagan para sa isang sistemang “hybrid” na eleksyon at iba pang mga hakbang na pwedeng magawa para sa eleksyon sa Mayo. Itinutulak ito ng Kontra Daya para iwasan ang pandaraya sa de-makinang pagboto.

Ayon sa Center for People Empowerment in Governance (Cenpeg), isa sa mga grupong lumahok sa protesta, titiyakin ng sistemang hybrid ang pundemantal na mga prinsipyo ng demokrasya na pribadong pagboto at lantad na pagbibilang.

“Tinanggal ng kasalukuyang automated na sistema ng eleksyon ang direktang palahok ng publiko sa pagbibilang at pagtatala ng mga boto, na nagpapahina sa transparency sa eleksyon at pananagutan,” pahayag ni Prof. Bobby Tuazon, isa sa mga namumunong akademiko sa Cenpeg.

Ipinamalas na ng karanasan sa Pilipinas na tumindi ang mga bulnerabilidad sa pandaraya at mga teknikal na problema bunga ng automated na eleksyon na kontrolado ng pribadong mga kumpanya sa teknolohiya. Anang grupo, para iwasan ang mga ito ay kinakailangang bigyang prayoridad ng Comelec ang isang sistemang hybrid.

Kabilang rin sa mga lumahok sa protesta sa Comelec ang Bayan Muna Party-list. Ang partido, at mga kasama nito sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, ay karaniwang mga biktima ng Red-tagging at maruming propaganda ng mga pwersa ng estado para pagkaitan ng boto.

Noong Marso 10 ay naghain ng reklamo ang Bayan Muna laban sa “malawakan at laganap na black propaganda” sa kanilang partido. Sinundan ito ng pagsasampa ng katulad na reklamo ng mga panrehiyong balangay ng Makabayan at partido sa ilalim nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

AB: Malinis na halalan, muling ipinanawagan ng Kontra Daya sa Comelec