Mamamayang Moro, patuloy ang mahigpit na suporta sa mamamayang Palestino
Patuloy ang mahigpit na pagsuporta ng mamamayang Moro sa mamamayang Palestino. Noong Nobyembre 29, inilunsad nila ang iba’t ibang aktibidad sa Marawi City bilang pakikiisa sa International Day of Solidarity with the Palestinian People. Ang araw na ito ay itinakda ng United Nations noong 1977, para magsilbing paraan upang itaas ang kamalayan ng iba’t ibang mamamayan tungkol sa kalagayan ng mga mamamayang Palestino at sa kanilang paghahangad para sa karapatan sa pagpapasya-sa-sarili.
Sa araw na iyon, isinagawa sa tinaguriang Ground Zero ng syudad ang mapayapang pagtitipon ng iba’t ibang grupong Moro.
Sa manipestong inilabas ng mga Moro para sa araw na ito, isinaad nila ang kanilang “pakikiisa at malasakit sa mamamayan sa Palestine na dumaranas ng labis na pagdurusa at inhustisya sa napakatagal nang panahon.” Panawagan nilang itigil na ang henosidyo at magkaroon ng kagyat na tigil-putukan sa Gaza.
“Naniniwala kami sa pundamental na karapatan na mamuhay nang mapayapa, ligtas, at may dignidad, anuman ang pinagmulan o nasyunalidad,” pahayag ng mga grupo. “Ang walang pakundangang karahasan at pangwawasak na puminsala sa mga komunidad ng Palestine ay dapat nang tapusin.”
Panawagan nila sa buong mundo na manindigan at batikusin ang mga brutalidad sa Gaza. “Panahon na para gawing prayoridad ang kagalingan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan sa rehiyon, at para sa pagbubuo ng Independyenteng Estado ng Palestine,” anila.
Nagkaroon naman ng porum at diskusyon kaugnay sa kalagayan ng Palestine sa Mindanao State University sa naturang syudad.