Manggagawang pangkalusugan ng RITM, nagprotesta

,

Naglunsad ngayong araw ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para igiit ang dagdag-sahod at pagbibigay ng mga naantalang alawans at para ipahayag ang pagtutol sa planong pag-abolish sa RITM ng rehimeng Marcos Jr. Anila, magdudulot ng malawakang tanggalan ang planong pag-abolish sa RITM para bigyang daan ang pagtatayo ng Philippine Center for Disease Prevention and Control (PCDPC).

“Sa ngayon, hindi lamang nakahahawang mga kaso ang nagsasapanganib sa atin, o mababang sahod at hindi pagbabayad ng alawans at bonus, kundi ang kinahaharap na abolisyon ng ating ospital at kaakibat nitong malawakang tanggalan,” ayon kay Romeo Garcia, pangulo ng RITM Employees Association-Alliance of Health Workers (AHW).

Sang-ayon sa tinatawag na “kalusugan para sa lahat” na adyenda ng rehimeng Marcos, isa sa mga prayoridad nito ang pagsasabatas ng panukalang magtatayo ng Philippine Center for Disease Prevention and Control. Sa kasalukuyan, aprubado na ito sa House of Representatives at may panukala na rin sa Senado.

Nakasaad mismo sa panukala ang malawakang tanggalan ng mga manggagawang pangkalusugan dulot ng pagbabawas ng mga tauhan ng ospital. Ang mga apektadong empleyado ay maaaring “boluntaryong umalis” sa serbisyo sa loob ng anim na buwan matapos ang epektibidad ng batas kapalit ang karampatang kabayaran.

Ang pagtatayo ng PCDPC ay sa bisa ng sosyohang pribado at publiko na tiyak tutungo sa pribatisasyon ng ospital. Kaakibat nito ang pagpapanatiling mababa sa sahod at bulok na serbisyo sa ngalan ng kita ng negosyo.

Tuluy-tuloy ang mga pagkilos at protesta sa ospital ng mga unyon ng mga manggagawang pangkalusugan sa nagdaang mga linggo. Matatandaang naglunsad ng magkakasunod na protesta at pangangalampag ang mga unyon sa limang ospital sa pangunguna AHW ng noong Hunyo 23 at Hunyo 27. Iginigiit nila kay Marcos Jr ang ₱33,000 na sahod ng mga bagong manggawang pangkalusugan sa pampubliko at pribadong ospital.

AB: Manggagawang pangkalusugan ng RITM, nagprotesta