Mapangwasak na operasyong dredging sa Ilocos Sur, naitulak na ipatigil
Naitulak ng sama-samang pagkilos ng mamamayan ng Ilocos Sur ang lokal na gubyerno na magsalita at magpahayag ng pagpapatigil sa operasyon ng mapangwasak na operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Company (IVMDC) sa bukana ng Lower Abra River sa saklaw ng prubinsya. Noong Setyembre 2, nagpahayag sina Ilocos Sur Gov. Jeremias Singson at dating Gov. Chavit Singson na ipahihinto ang operasyon.
Ang pahayag ng mga Singson ay itinuring ng Defend Ilocos Sur bilang isang paunang tagumpay. Anang grupo, bunga ito ng sama-sama at walang humpay na pagkilos ng mga komunidad at kanilang mga tagasuporta. Noong Hulyo 16, pinangunahan ng grupo ang sama-samang paglalayag sa isang fluvial protest laban sa operasyong dredging. Sinabayan din nila ito ng pangnagalap ng pirma para sa isang petisyon.
Ayon sa grupo, nangako rin ang lokal na gubyerno na aayusin nito ang naapektuhang bahagi ng baybayin nang dahil sa dredging sa pamamagitan ng pagtatambak. Nag-anunsyo rin ang lokal na gubyerno na ililipat ang dredging sa loob ng ilog, alinsunod sa naging ekspertong pag-aaral.
“Ngunit, hindi pa tapos ang laban. Kailangan pa rin nating bantayan kung totoo bang ipinapatupad ang kanilang mga binitawang pahayag,” panawagan ng Defend Ilocos Sur.
Sinimulan ang mapangwasak na dredging noong Mayo 2024 sa tabing ng pagpigil sa pagbaha sa Vigan City, Caoayan at Santa. Pinahintulutan ang operasyon sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng IVMDC at tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon noong Hunyo 2022. Binigyan ng permit ang operasyon ng Department of Public Works and Highways at Mines and Geosciences Bureau.
Liban dito, naiulat rin ang pagtanggap ng “share” o bahagdan sa kita ng Isla Verde ng mga lokal na gubyerno. Sinasabing nagbibigay ng milyun-milyon sa mga upisyal ng gubyerno mula sa prubinsya, munisipyo hanggang sa mga barangay.
Ang Isla Verde, na nagpapatakbo ng operasyon, ay isang kumpanyang nagmimina na nakabase sa Taiwan. Dahil sa operasyon, naperwisyo ang 9,536 na mga residente, mula sa siyam na barangay ng Santa at Caoayan. Nagdulot ito sa kanila ng matinding ingay sa gabi at walang-tigil na pagyanig ng mga istruktura ang nililikha ng operasyon.
Lagpas pa rito, simula nang isagawa ang dredging ay bumaba na ang huli ng mga mangingisda. Nabubulabog ang mga isda gawa ng matinding pagyanig at ingay na nililikha ng mga barko, nakokontamina ang mga ito at iba pang lamang-dagat. Kung dati ay nakapagbebenta sila ng ₱1,000 halaga ng isda, ngayo’y hindi na sila sapat na nakahuhuli nang kahit pangkonsumo lamang.
Nagpaabot ng pagbati ang National Democratic Front (NDF)-Ilocos sa mamamayan ng Ilocos Sur sa naabot na paunang tagumpay ng kanilang pagkakaisa. “Ang pagtutulak ng mamamayan upang magpahayag ang lokal na gubyerno ng pagpapatigil sa operasyon ay isang makabuluhang hakbang,” pahayag ni Rosa Guidon, tagapagsalita ng NDF-Ilocos.
Dagdag niya, nararapat lamang na panagutin ang Isla Verde at pakikipagsabwatan dito ng DENR at lokal na gubyerno. Panawagan niya sa masang Ilokano na patuloy na pandayin ang pagkakaisa hanggang tuluyang mapatigil ang operasyong dredging, matulak ang rehabilitasyon ng mga pinsalang nilikha ng operasyon at maibigay ang kumpensasyon sa masang naapektuhan nito.
Liban sa operasyong dredging ng Isla Verde, sinabi ng NDF-Ilocos na marami pa at lumalaganap ang mga mapangawasak na operasyon sa rehiyon. Kabilang na dito ang malalaking wind at solar farm, coal-fired power plant at iba pang proyektong nagpapalayas sa mamamayan at sumisira sa kalikasan.
“Nararapat lamang na pukawin ang masa sa ugat ng kanilang paghihirap na idinudulot ng paninira sa kapaligiran ng mga hayok sa ganansyang monopolyo kapitalista, lokal na burges-kumprador at pakikipagsabwatan ng rehimeng Marcos,” ayon kay Ka Rosa.
Paliwanag niya, ang pagkakanlong ng mga mapangwasak na operasyong ito sa ay ang nagiging malaking batayan upang lalo pang palakasin ang armadong pakikibaka sa rehiyon. “Sa puntong ito ay nananawagan ang NDF-Ilocos ng maramihang pagsampa lalo na mula sa hanay ng kabataan, upang maging Pulang mandirigmang ultimong tagapagtanggol ng kalikasan, kaligtasan at kabuhayan ng mamamayan,” ayon kay Ka Rosa.