Mapanirang proyekto ng CEZA, tinututulan ng mga taong-simbahan
Tinututulan ng mga taong-simbahan ang planong Alpha-Palawig Mixed-Use Development Project sa Sta Ana, Cagayan na wawasak sa 21-ektaryang bakawan sa kahabaan ng baybayin ng Palawig hanggang Sta. Cruz. Kabilang sa mga grupong ito ang Conference of Major Superiors of the Philippines (CMSP) na nagsumite ng petisyon ng pagtutol noong Pebrero 18 kasabay ng pampublikong pagdinig sa prubinsya kaugnay ng proyekto.
Liban sa CMSP, nagpahayag rin ng pagtutol sa proyekto ang mga kinatawan ng Saint Anthony of Padia Parish, Saint Anthony’s College, Franciscan Apostolic Sisters, at iba pang mga institusyon. Dumalo rin sa pampublikong pagdinig ang iba pang kinatawan ng mga apektadong sektor.
Tinutulan nila ang pagbibigay ng permit sa pagtatayo ng Alpha-Palawig Cagayan Development Corporation sa mga batayang (1) sisirain nito ang coastal ecosystem at krusyal na bakawan na saklaw ng barangay Palawig at Sta Cruz; (2) magdudulot ito ng pagbaha sa mga eskwelahan, kabahayan at palayan dahil haharangan nito ang natural na daluyan ng tubig-baha papunta sa dagat laluna at ang mga barangay ng Parada-Batu, Palawig at Sta Cruz ang nagsisilbing drainage ng tubig mula sa mga ilog galing Sierra Madre; at (3) wawasakin nito ang kabuhayan ng lokal na mga mangingisda at mamawalan sila ng daungan ng kanilang mga bangka.
Iginiit ng CMSP na dapat pag-isipang muli ng Department of Environment and Natural Resources ang pagbibigay ng permit. Anito, dapat isaalang-alang ng ahensya ang kolektibong responsibilidad na pangalagaan ang kalikasan at bulnerableng populasyon.
Alinsunod sa plano, magtatayo ng karagdagang 25 yunit ng mga upisina, pabahay at iba pang gamit sa erya para sa mga aktibidad pangkasiyahan at pangkatuwaan. Sa kasalukuyan, may apat na yunit nang nakatayo rito.
Bahagi ang Alpha-Palawig Mixed-Use Development Project sa mga proyektong itinutulak ng pribadong sektor ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na sinimulan sa ilalim ng dating CEZA administrator Raul Lambino. Ang naturang proyekto ay magsisilbing sentro ng CEZA sa “offshore financial technology solutions enterprises and offshore virtual currency exchanges.”
Nakaamba na rin ang pagtatayo ng 15-ektaryang sentro ng komersyo sa Rapuli (mga barangay ng Racat-Punta-Limbus) matapos ang feasibility study nito sa ilalim pa rin ni Lambino. Matatandaang 2019 nang marahas na giniba ang mga bahay sa Barangay Racat at ikinulong ang mga residenteng lumaban sa iligal na demolisyon.