Balita

Mapanupil na bagong memorandum ng CSC, binatikos ng mga kawani ng gubyerno

,

Nanindigan ang iba’t ibang grupo ng kawani ng gubyerno laban sa inilabas na Memorandum Circular No. 3, Series of 2025 ng Civil Service Commission (CSC) noong Marso. Ipinagbabawal sa memorandum na ito ang pakikisangkot ng mga kawani sa pampulitikang usapin sa social media para panatilhin ang kanilang “nyutralidad” at umiwas sa partisanong aktibidad laluna sa panahon ng eleksyon.

Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), tahasang pagsupil ang atas sa kanilang kalayaan sa pagpapahayag at karapatang makisangkot sa mga pampulitikang usapin. Nagprotesta ang tatlong grupo sa upisina ng CSC sa Barangay Batasan Hills, Quezon City noong Abril 14 para ipabasura ang atas.

“Magdudulot ang pagbabawal na ito ng takot sa mga kawani ng gubyerno at higit silang tatanggalan ng kapangyarihan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at ilantad ang mga korap na upisyal ng gubyerno at mga pulitiko,” pahayag ni Manny Baclagon, pangkalahatang kalihim ng Courage.

Kasunod ng malawakang pagbatikos, ipinaliwanag ng CSC na hind nito pagbabawalan ang pag-like, pag-share at pagkomento ng mga kawani sa pampulitikang usapin sa social media basta mapanatili ang “nyutralidad.” Ayon sa ACT, malabo at hindi upisyal ang paliwanag na ito ng CSC.

“Ang malinaw sa memorandum na ito, isang panig lamang ang binibigyang diin—ang pagpapatahimik sa mga guro at kawani. Wala man lang paglilinaw kung ano ang mga karapatang maaari pa rin naming gamitin sa panahon ng eleksyon,” ayon sa ACT-National Capital Region.

Dagdag pa ng panrehiyong balangay, hindi malayo na magdulot ito ng takot sa mga kawani. “Bilang mga guro, tungkulin naming linangin ang kakayahan ng mamamayan—lalo na ng kabataan—na maging mapanuri at makialam sa mga isyung panlipunan, lalo na tuwing halalan,” anito.

Pagdidiin ng presidente ng Courage na si Santiago Dasmariñas, matagal na nilang napapansin na nagpapatupad ang CSC ng mga patakarang hindi dumadaan sa masusing konsultasyon sa mga kawani. “May tendensya rin itong maging mapaniil at punitibo,” ayon pa sa kanya.

Dagdag pa niya, mayorya sa karaniwang kawani at manggagawa ng gubyerno ay napakababa ng sahod, walang katiyakan sa trabaho, hidni maayos ang kalagayan sa paggawa at sinusupil ang mga karapatan at inaabuso ng mga upisyal. “Umaasa kami na mas handang sumuporta ang CSC sa mga kawani na dapat nilang pinagsisilbihan,” ayon kay Dasmariñas.

Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga kawani ang Bayan Muna Party-list at ang ikatlong nominado nito na si Ferdinand Gaite, dating lider-kawani. Kaisa ang partido sa panawagang ibasura ang memorandum at itulak ang pagsasabatas ng karagdagang mga proteksyon para sa mga kawani ng gubyerno.

AB: Mapanupil na bagong memorandum ng CSC, binatikos ng mga kawani ng gubyerno