Marcos Jr, binweltahan sa kainutilan sa harap ng pagsirit presyo ng langis

,

Kabi-kabilang batikos ang inani ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang pahayag na wala siyang magagawa sa harap ng walang awat na pagtaas na presyo ng langis. Sa panlimang pagkakataon sa loob ng limang linggo, itinaas ng mga kumpanya ng langis noong Martes, Agosto 8, ang presyo ng gasolina nang ₱.50, diesel nang ₱4 at kerosin nang ₱2.75. Noong nakaraang linggo lamang, itinaas ng mga ito ang presyo ng gasolina nang ₱3.50, diesel nang ₱0.50 at kerosin nang ₱3.25. Itinaas din ang presyo ng LPG kada kilo.

“Ang sabi ni (Marcos), wala daw siyang magagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis… Di natin sila pinasusuweldo sa kanilang aircon na upisina para lang sabihin sa ‘tin na wala silang magagawa,” bwelta ng grupong Kadamay, sa isinagawa nilang protesta kahapon, Agosto 9. Panawagan nila, irolbak ang presyo ng langis at ibasura ang Oil Deregulation Law na nagpapahintulot sa mga kumpanya ng langis na itaas ang presyo kung kailan at gaanuman kataas na gustuhin ng mga ito.

“Patuloy nating labanan ang pagsasawalang-bahala ng pamahalaan!” panawagan ng grupong PISTON. “Ilang taon na nating panawagan na ibasura ang Oil Deregulation Law at isuspindi ang EVAT at Excise Tax sa langis pero imbes na isipin ng gubyerno ang ating kapakanan, puro pagpapataba ng bulsa ng mga oil company at ng mga kurakot sa pamahalaan ang inaatupag!”

Ang totoo, may magagawa ang rehimeng Marcos Jr, anila.

“Maaaring pahinain ng administrasyong Marcos ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa milyong Pilipino sa pamamagitan ng pagtanggal sa excise at value added tax sa mga produktong petrolyo,” pahayag ng Ibon Foundation. Dagdag sa binabalikat ng mamamayang Pilipino na umiinda ng mataas na presyo at naaagnas na kakayahan nilang bumili, dahil sa mga buwis na ito.

Kung tatanggalin ang mga buwis na ito, mababawasan nang 35.7% ang presyo ng gasolina, ₱28.1% ang presyo ng diesel at ₱18.7% ang kerosin. Ibig sabihin, imbes na ₱67.35 (presyo sa NCR), ₱51.56 na lamang ang kada litro ng gasolina. Gayundin, magiging ₱47.24 lamang, imbes na ₱53 ang isang litro ng diesel at ₱61.05 ang isang litro ng kerosin, imbes na ₱69.09 sa ngayon.

Malaki ang epekto ng walang awat na pagtaas ng presyo ng langis sa kakayahan ng mamamayan na bumili, ayon sa Ibon. Noong Hulyo, ang tunay na halaga ng ₱610 na minimum na sahod ng isang manggagawa sa NCR ay nasa ₱515 na lamang, mas mababa kumpara sa tunay na halaga nito bago magpandemya (₱520).

“Ang pagtaas ng presyo ng langis ay mararamdaman sa lahat ng batayang kalakal,” ayon sa institusyon. Susi ang mga produktong petrolyo sa produksyon at transportasyon ng pagkain at iba pa.

AB: Marcos Jr, binweltahan sa kainutilan sa harap ng pagsirit presyo ng langis