Martsa at presensya ng higit 1,000 tropa ng AFP sa UP-Diliman, kinundena
Sunud-sunod ang pagkundena ng mga organisasyon, konseho ng mag-aaral at institusyon ng University of the Philippines (UP) sa isinagawang martsa ng higit 1,000 tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa UP-Diliman sa pangunguna ng Philippine Army Reserve Command noong Abril 9, bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan. Anila, walang lugar ang mga lumalabag sa karapatang-tao sa mga espasyo ng UP.
Sa pinag-isang pahayag ng Office of the Student Regent, Katipunan ng mga Sanggunian ng Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP), at ng UP Systemwide Alliance of Student Publications and Writer Organizations (UP Solidaridad), binatikos ng mga mag-aaral ang martsa at sinabing walang kahit anong pagdadahilan ang makapagbibigay katwiran sa panghihimasok ng mga pwersa ng estado sa kampus.
“Matagal nang nagsilbi bilang sentro ng paglaban, kritikal na pag-iisip, at demokratikong pagkilos (ang unibersidad). Dapat panatilihin bilang mga sangtwaryo ng akademikong kalayaan, pagtutol at pagtatanggol sa karapatang-tao ang mga kampus nito,” pahayag nila.
Naninindigan ang mga pangunahing institusyong pangmag-aaral sa UP na ang pagpasok ng AFP sa UP ay hindi isang nyutral na hakbang. “Bahagi ito ng mas malawak at istorikong kampanya para supilin ang mga espasyo ng malayang pag-iisip at independyenteng pag-oorganisa,” ayon sa pahayag.
Pagdidiin nila, mahaba ang kasaysayan ng AFP sa Red-tagging, panghaharas, pagmamanan, at karahasan laban sa karaniwang mamamayang Pilipino at maginag sa mga estudyante, kaguruan, at mga myembro ng komunidad ng UP. “Ang nagpapatuloy nilang presensya ay isang tahasang banta sa aming kaligtasan, mga karapatan, at sa aming kakayahang kritikal na matuto at malayang makapag-organisa,” anila.
Nanindigan rin laban sa panghihimasok ang faculty regent. Aniya, malinaw na isinasapanganib nito ang awtonomiya ng UP at nagbibigay ng senyales ng pagsang-ayon sa unti-unting paglitaw ng awtoritaryanismo na sa nagdaang mga taon ay tumarget sa mga tumututol at kritikal na institusyon.
Nanawagan sila sa administrasyon ng UP na kaagad ipawalang-bisa ang pinirmahan nitong UP-AFP Declaration of Cooperation noong Agosto 8, 2024 na nagbibigay-laya sa iba’t ibang porma ng “tulungan” sa militar sa kapinsalaan ng mga karapatan ng mga demokratikong sektor sa unibersidad. Giit nilang muling pagtibayin ang UP-Department of National Defense Accord na ginagamit pananggalang sa panghihimasok militar at pakikialam nito sa awtonomiya ng UP.