Masaker sa 6 na indibidwal sa Kabankalan City, pinaiimbestigahan

Iginiit ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na dapat imbestigahan ng mga independyenteng institusyon at ng Commission on Human Rights ang nangyaring pagpaslang sa anim na indibidwal sa pinalalabas ng 47th IB na namatay sa engkwentro sa pagitan ng isang yunit nito at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ayon kay Bishop Alminaza, dapat malaman kung tunay na engkwentro nga ba ang naganap o isang malagim na masaker.

Naganap ang masaker sa Sityo Lubi, Barangay Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental noong Setyembre 21.

Ayon sa BHB-Southwest Negros, ang limang Pulang mandirigma, kasama ang isang drayber ng traysikel, ay pinagbabaril at pinatay ng mga sundalo. Pawang hindi armado ang mga biktima at wala sa katayuang lumaban.

Ayon sa BHB, pawang mga upisyal sa gawaing medikal sina Ka Rekoy (Bobby Pedro), Ka Goring (Mario Mullon) at Ka Joyce (Janice Flores). Si Ka Bravo (Alejo delos Reyes) at kanyang 6-buwang buntis na si Ka Diane (Melissa dela Peña) ay naka-medical leave. Kinilala naman ang drayber ng traysikel na si Robin Gaitan.

“Gabi ng Setyembre 21, bumabyahe ang hindi armado at di kombatant [na mga biktima] sakay ng inarkila nilang traysikel…nang bigla itong paulanan ng bala ng mga pasistang elemento ng 47th IB,” ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros. Aniya, hindi nila inaalis ang posibilidad na “tinuluyan pa ang buhay pa [na mga biktima] matapos ang unang bugso nang pagpapaulan ng bala.”

Sa katunayan, matapos ang brutal na insidente, kaagad na nakipanayam ang asawa ni Gaitan na si Ariel Gaitan, sa lokal na midya sa Negros para linawin na hindi kasapi ng BHB ang kanyang asawa, taliwas sa pinalalabas ng AFP. Aniya, ang kanyang asawa ay isang sibilyan at nagtatrabaho sa Southern Negros Development Corporation (SONEDCO).

Kaugnay nito, idiniin ni Bishop Alminaza ang pangangailangang imbestigahan ang insidente dahil sa katayuan ng anim na napatay. Aniya, sang-ayon sa internasyunal na makataong batas (IHL), ang mga hors de combat at sibilyan ay protektado at may mga karapatan na dapat pangalagaan.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Lubhang paglabag din ito sa Declaration on the Protection of Women and Children in Emergency and Armed Conflict ng United Nations General Assembly noong Disyembre 14, 1974 laluna’t ang isa sa mga biktima ay anim na buwang buntis.

Nakasaad sa deklarasyon na isang krimen sa digma ang “lahat ng porma ng panunupil at malupit at hindi makataong pagtrato sa kababaihan at mga bata, kabilang ang pagkukulong, tortyur, pamamaril, maramihang pag-aresto, kolektibong pamamarusa, paninira sa tirahan at pwersahang pagbabakwit, na isinagawa ng mga pwersang belligerent sa kasagsagan ng operasyong militar nito (Bilang 5).”

AB: Masaker sa 6 na indibidwal sa Kabankalan City, pinaiimbestigahan