Balita

Mataas na GDP target ng rehimeng Marcos, tinawag na "kalokohan"

Tinawag ng Ibon Foundation na “kalokohan” ang matayog na GDP target ng gubyernong Marcos na 6% para sa taong 2025 sa isang pahayag noong Mayo 14. Ito ang reaksyon ng independyenteng think-tank sa pahayag ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimeng Marcos na “optimistic” o positibo silang maabot ang 6%−8% na GDP para sa taon.

“Lugmok ang ekonomya,” ayon sa Ibon. Nasa 5.4% lamang ang GDP sa unang kwarto ng taon at hindi nito milagrong maaabot ang 6.2% na target sa GDP sa susunod na tatlong kwarto ng taon. Katunayan, pababa ang padron ng pag-unlad ng ekonomya, mula sa 6.4% na abereyds noong 2010-2019 tungong 5.6% na lamang sa 2023-2024. Ang pagbagsak na ito ay dulot ng sobrang pagsandig sa dayuhang pamumuhunan at pagbigay-prayoridad sa kita ng mga kumpanya sa kapinsalan ng mga mamamayan, anito.

“Ni hindi naaabot ang mas mababang target na itinatakda ng gubyerno,” ayon sa Ibon. Sa aktwal, may mga palatandaan nang mas mababa sa target ang GDP sa susunod na kwarto.

“Humina ang household spending o paggastos ng mga pamilya, na bumubuo ng 70% ng GDP,” ayon sa grupo. Palatandaan ito ng pagbagsak ng tunay na halaga ng sahod at kita at pagkitid ng kakayahan na bumili ng mga pamilyang umiinda ng mababang pasahod, kawalang katiyakan sa trabaho at impormal na empleyo. Sa kabilang banda, mahina rin ang pangkalahatang pamumuhunan sa ekonomya, na nasa 1.7% lamang kumpara sa 2.9% bago ang pandemyang Covid-19.

Hindi sapat ang proteksyon ng gubyerno sa ekonomya sa harap ng mga pagbabago sa mundo, laluna kaugnay sa mga patakaran sa ekonomya ng presidente ng US na si Donald Trump.

“Isinasapeligro (ng gubyernong Marcos) ang bansa sa pagmamatigas nito na panatilihing bukas (ang ekonomya) sa harap ng papataas na proteksyunismo, instabilidad ng dayuhang pamumuhunan at mga tensyong heopulitikal,” ayon sa grupo.

Makakamit lamang ang tunay na pag-unlad sa GDP kung magpatupad ang estado ng makabuluhang mga pagbabago, tulad ng pagpapataas ng tunay na sahod at sweldo, pagpapalawak ng serbisyong pampubliko, pagpapalakas ng lokal na agrikultura at pambansang industriyalisasyon.

AB: Mataas na GDP target ng rehimeng Marcos, tinawag na "kalokohan"