MATATAG kurikulum, ipinababasura ng mga guro at manggagawa sa edukasyon
Nasa 100 guro at manggagawa sa edukasyon na kasapi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang nagtungo sa pambansang tanggapan ng Department of Education (DepEd) sa Pasig City kahapon, Agosto 15, para ipanawagan ang kagyat na pagbasura sa MATATAG kurikulum. Reklamo nila, sobra-sobrang trabaho at pahirap lamang ang idinudulot ng naturang kurikulum na pinatitindi pa lalo ng kakarampot na dagdag-sweldo ng rehimeng Marcos.
Nagsagawa ng temang Olympics na protesta ang mga guro sa harap ng tanggapan. Simbolkong binuhat ng isang guro ang isang gawa sa karton na barbel na may nakasulat na “MATATAG” habang sinusuntok ng malalaking gloves na may nakasulat na “excessive workload” o sobrang trabaho at “low salaries” o mababang sweldo. Matapos nito, sinabitan sila ng mga medalya na sumisimbolo sa ₱50 barya.
Inilalarawan ng mga simbolong ito ang napakahirap na mga hamon na ipinapataw ng MATATAG kurikulum at mumo na dagdag-sweldo ng rehimeng Marcos kamakailan. Ang MATATAG ay inilunsad noong Agosto 2023 ng nagbitiw na kalihim ng DepEd na si Sara Duterte. Ipinatupad ito ngayong taong pang-akademiko (2024-2025).
“Ginawang larangan ng pagdurusa ng MATATAG kurikulum ang ating mga paaralan. Pinapagod tayo ng labis-labis na mabigat na trabaho at pinaiksing oras kada larangan ng pagkatuto,” ayon kay Vladimer Quetua, ACT Chairperson. Napipilitan umano ang mga guro na pagsabay-sabayin ang lahat ng ito at balikatin ang mga tungkuling naglalayo sa kanila sa kinakailangang oras ng pagtuturo.
Puna nila, isinasagawa ito alinsunod sa mabuway na batayan at walang sapat na ebidensyang pagtatasa sa pagkatuto at tunay at demokratikong konsultasyon sa mga guro at iba pang sangkot na sektor. “Hindi namin kayang balewalain at manood lamang habang lalong lumulubog ang sistema ng edukasyon sa krisis,” ayon pa kay Quetua.
Ayon naman kay Ruby Bernardo, ACT National Capital Region Union President, “tulad ng mga atleta na nagbibigay ng dangal sa bansa, ang mga guro at manggagawa sa edukasyon ay hindi binibigyan ng nararapat na pagkilala at sa halip ay pakitang-taong mga aksyon lamang.” Idiniin niya na napakalayo sa panawagan ng sektor na makatarungang entry-level na sweldo na ₱50,000 para sa mga guro at ₱33,000 para sa mga Salary Grade 1 na empleyado ang ibinigay na dagdag-sweldo ni Marcos.
Noong Agosto 2 inilabas ni Ferdinand Marcos Jr ang Executive Order (EO) 64 na nagbigay ng kakarampot na ₱530 na dagdag sa Salary Grade 1 Step 1 na empleyado o ₱26 kada araw ang dagdag sa sweldo.