Balita

Mga alyansang kontra korapsyon, binuo sa Cebu, Negros Island

,

Tuluy-tuloy ang mga pagsisikap ng iba’t ibang demokratikong pwersa at sektor sa Cebu at Negros Island para buklurin ang mamamayan laban sa malawakang korapsyon ng rehimeng Marcos. Magkahiwalay na binuo ng mga sektor at pwersa ang alyansa sa Cebu at Negros Island na mangunguna sa kampanya at mga pagkilos kontra katiwalian.

Sa Cebu, inilunsad ng mga grupo ang Kalihukang Sugboanon Kontra Korapsyon (Kasukko) noong Nobyembre 18 sa isang pagtitipon sa Archdiocesan Shrine and Parish of Our Lady of Guadalupe de Cebu sa Barangay Guadalupe, Cebu City. Bahagi ng binuong alyansa ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas, na nagtalakay hinggil sa pampulitikang sitwasyon ng bansa.

Ayon sa mga grupong dumalo sa pagtitipon, napapanahon ang paglulunsad ng alyansa dahil katatapos laban hagupitin ang Cebu ng magkakasunod na bagyo. Nauna nang ipinahayag ng mga grupo sa Cebu na ang magkakasunod na trahedya ay hindi lamang dulot ng pagbabago ng klima kundi resulta ng pandarambong sa kalikasan at sa kaban ng bayan ng naghaharing mga uri.

Pinalala ang pagragasa ng baha at pagguho ng lupa mula sa matataas na bahagi ng Cebu ng palpak na mga proyektong flood control sa mabababang bahagi ng isla. Ayon sa datos ng estado, umabot sa 343 ang proyekto para sa flood control sa Cebu mula 2016 hanggang 2022, at nasa 168 na proyekto mula 2023 hanggang 2025. Naglaan ang prubinsya ng ₱26.7 bilyon para sa 414 proyektong flood control para sa taong 2022 hanggang 2025. Inamin ng lokal na gubyerno na lahat ng itinayong flood control mula 2019 ay palpak o substandard.

“Bilang isang kolektibo, naniniwala kami na ang pagharap sa korpsyon ay nangangailangan ng malapad na pagkakaisa, aktibong partisipasyoon, at nagkakaisang determinasyon ng lahat ng mga sektor na nagtutulung-tulong para sa transparency, mabuting pamamahala at hustisyang panlipunan,” ayon sa Kasukko.

Sa Negros Island, pormal na inilunsad ng iba’t ibang mga grupo ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) Negros noong Nobyembre 14 sa pagtitipon sa Bacolod City. Nagbuklod sa ilalim ng TAMA NA Negros ang One Negros Ecumenical Council (ONE-C), Bayan-Negros at mga organisasyon sa ilalim nito, Kabataan Parylist-Negros, PAGHIMUD-OS-Negros, Metro-Bacolod Chamber of Commerce and Industry (MBCCI), Kilusang Mayo Uno-Negros, Concern Citizens against Corruption (CCC), Bukluran ng Manggagawang Pilipino/Sanlakas-Negros, CURE Union, Partido Manggagawa-Negros), Bantay Tubig-Bacolod, National Union of Journalists in the Philippines-Negros, BACOD MANIBELA Transport Groups, at Christian Advocates for Justice and Development in Negros.

Noong Nobyembre 17, itinatag ng mga grupo ng kabataan at estudyante sa Negros Island ang Katipunan ng Kabataan Laban sa Korapsyon (KKK). Dumalo sa pagpupulong sa St. Joseph Parish ng Iglesia Filipina Independiente sa Bacolod City ang mga organisasyong masa at pahayagang pangkampus.

“Labis ang galit ng kabataan sa Negros sa sistemiko at burukratikong korapsyong nagaganap sa ating sistema ng pamahalaan,” ayon kay Florence Guzon, myembro ng KKK. Dagdag niya, sa darating na Nobyembre 30 ay handa silang tanganan ang militanteng diwa ni Gat. Andres Bonifacio para wakasan ang burukratikong korapsyon sa gubyerno.

Nakatakdang lumahok ang mga alyansa sa ilulunsad na malawakang pambansang pagkilos kontra korapsyon ng rehimeng Marcos sa darating na Nobyembre 30. Pangungunahan ng malapad na alyansang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang mayor na pagkilos ng mamamayang Pilipino sa araw na iyon. Ang protesta Baha sa Luneta 2.0 ng KBKK ay mananawagan ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa korapsyon.

AB: Mga alyansang kontra korapsyon, binuo sa Cebu, Negros Island