Mga aset ng militar, ginawaran ng rebolusyonaryong hustisya sa Negros at Masbate
Iniulat ng BHB-Masbate (Jose Rapsing Command) ang pagpapatupad nito ng rebolusyonaryong hustisya noong Setyembre 10 sa isang aktibong kasapi ng CAFGU na si CAA Rodel Monsalod sa Barangay Cadulawan, bayan ng Cataingan. Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng yunit, “bahagi [ito ng] patuloy na pagtugon ng BHB-Masbate sa hinaing ng mga Masbatenyo.”
Si Monsalod ay aktibong giya sa mga operasyon at kampanya ng pagpatay ng berdugong 2nd IB sa mga sibilyan. Nagsisilbi rin siyang isa sa mga bayarang maton ni Masbate Gov. Antonio Kho na aktibo sa pagpapalayas sa mga magsasakang inaagawan ng lupa ng pamilyang Kho sa Cataingan. Tauhan siya ng 2nd IB na nakabase sa Barangay Estampar na notoryus sa mga krimen nito laluna sa mga mamamayan ng ikatlong distrito ng Masbate.
Sa Negros Oriental, pinatawan ng kaparusahan ng BHB-Central Negros (Leonardo Panaligan Commadn) si Jonil Sevilla, aktibong aset paniktik ng militar na taga-Sityo Kabulay, Barangay Trinidad, Guihulngan City noong Agosto 30, alinsunod sa desisyon ng kinauukulang mga organo ng demokratikong gubyernong bayan. Isinagawa ang armadong aksyon sa Sityo Cambairan sa parehong barangay.
Napatunayan sa maingat at masinsing imbestigasyon ng BHB-Central Negros ang mayor na papel ni Sevilla sa pagpapareyd sa isang yunit ng hukbong bayan sa Sityo Gusa, Barangay Budlasan, Canlaon City noong Agosto 2. Imbwelto rin siya sa reyd sa isa pang yunit ng BHB sa Sityo Amomoyong, Barangay Trinidad, Guihulngan City noong 2023 na nagresulta sa pagkamartir ng apat na Pulang mandirigma.
“Ang pagpapatupad sa kaparusahang kamatayan kay Sevilla ay patunay ng pagpapatupad ng rebolusyonaryong hustisya para sa ikabubuti ng lahat,” pahayag ni Ka Kanor Alpeche, ikalawang tagapagsalita ng BHB-Central Negros. Aabutin at aabutin ng rebolusyonaryong hustisya ang lahat mga may krimen sa sambayanan, aniya.
“Patuloy na maglulunsad ang [BHB] ng mga taktikal na opensiba upang parusahan ang AFP-PNP-CAFGU sa kanilang mga teroristang krimen,” ayon naman kay Ka Luz. Nananawagan ang BHB-Masbate sa masang magsasaka at taumbayan na patibayin ang kanilang pagkakaisa at palakasin ang kanilang paglaban para biguin ang anumang traydor na ganting-salakay na pupwedeng gawin ng AFP laban sa sibilyan sa komunidad.