Balita

Cybercensorship: Mga atakeng DDoS, binatikos ng mga mamamamahayag

Sa isang nagkakaisang pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mga alternatibo at independyenteng midya, kinundena ang sunud-sunod na mga atakeng DDoS (o distributed denial of service) sa mga website ng mga pahayagan sa nagdaang mga linggo.

Hinaharang ng mga atakeng ito ang paglalathalata ng mga balita at kwentong may katotohanan at sa gayon ay isang porma ng cybercensorship lalupa’t isinasagawa ito ng mga grupong tahasang sinusuportahan, kundiman pinopondohan ng estado. Ang ganitong cybercensorship ay “walang puwang sa isang demokrasya,” ayon sa grupo.

Ayon sa mga ulat ng Manila Bulletin, inatake ang mga website ng CNN Philippines, Rappler and Philippine Star ng grupong nagpakilalang Pinoy Vendetta, na pinapalakpakan ng National Task Force-Elcac at naghikayat na atakehin ang iba pang mga website. Bukod sa kanila, inatake rin ang mga website ng Altermidya at Bulatlat nang tatlong magkakasunod na araw. Sa parehong linggo, ayon sa NUJP, ang mga website ng Inquirer at One News ay pansamantalang hindi maakses ng mga mambabasa.

“Hindi pa naiimbestigahan ang mga kaso ng pag-atakeng DDoS sa malalaking komersyal na midya sa ngayon pero lumalaki ang suspetsa namin na ang mga ito ay plano, sistematiko at tulak ng pulitika dahil sa dalas at panahon,” ayon sa pahayag ng grupo. Idinagdag pa ng grupo na ang mga nasa likod ng pag-atake ay malinaw na takot sa katotohanan sa kagustuhang tanggalin sa ere ang mga website ng mga organisasyon sa pagbabalita.

Nananawagan ang mga nakapirmang organisasyon sa Department of Information and Communications Technology at National Bureau of Investigation Cybercrime Division na kagyat na imbestigahan ang mga ito, pigilan ang mga pag-atake, kilalanin at panagutin ang mga nasa likod nito.

Pag-atake sa PRWC website

Ang grupong Pinoy Vendetta rin ang umaangkin sa tuluy-tuloy na pag-atakeng DDoS sa Philippine Revolution Web Central (PRWC sa https://philippinerevolution.nu), website ng Partido simula pa noong Nobyembre 2021 na naging dahilan na pana-panahon ay hindi ito mapasok ng mga tumatangkilik dito. Inatake rin noon ang website ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP, https://ndfp.org) at ni Prof. Jose Ma. Sison (https://josemariasison.org). Sa mga nagdaang mga araw, umaabot ang atake laban sa PRWC sa mahigit 1 milyong request kada oras.

“Ang mga cybercriminal at cybervandal na ito ay mga panatiko na inuudyukan ng masamang maka-Hitler na pananaw na lahat ng mga rebolusyonaryo at demokratikong pwersa ay dapat patahimikin,” ayon kay Marco Valbuena, ang upisyal sa impormasyon ng PKP.

Nangako rin siyang sa kabila ng malaking perang ibinubuhos ng estado sa mga pag-atake, magsisikap ang PRWC na isulong ang gawain sa pagbabalita para imulat ang mamamayang Pilipino sa kanilang sadlak na kalagayan, pakilusin sila para labanan ang mga nang-aapi at pigilan ang kahit anong banta ng panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan at pananatili ng dinastiyang Duterte.

AB: Mga atakeng DDoS, binatikos ng mga mamamamahayag