Balita

Mga balangay ng FFPS, naglunsad ng mga aktibidad bilang suporta sa NDFP

, ,

Naglunsad ng mga aktibidad ang mga myembro at organisasyon sa ilalim ng Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS) noong Nobyembre 30 bilang suporta sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa ulat ng grupo, nagkaroon ng mga aktibidad sa United States, Canada, Netherlands, at Hong Kong.

Sa mga demonstrasyon, kultural na programa at mga pag-aaral, kinundena ng FFPS ang pasistang administrasyong Marcos at ang panunupil ng imperyalismong US sa patuloy na paglaban ng mamamayang Pilipino. Itinaon nila ang pagkilos sa araw ng kapanganakan ni Andres Bonifacio at anibersaryo ng pagkakatatag ng Kabataang Makabayan.

“Ang mga pag-atake ng rehimeng Marcos na suportado ng US, ay walang bisa laban sa isang bayan na nakikibaka laban sa matinding kawalang-katarungan na pinananatili ng dayuhang paghahari ng US, pyudalismo at burukratikong kapitalismo, at may taimtim na pagnanais para sa katarungan at paglaya,” pahayag ni Robert Reid, tagapangulo ng FFPS. Dagdag pa niya, ang rebolusyonaryong determinasyon ng mga Pilipino ay nananatiling matatag at sa gayon, ang kanilang pakikiisa dito ay hindi rin matitinag.

Binatikos ng FFPS ang sunud-sunod na pag-atake ng reaksyunaryong estado sa mga konsultant pangkapayapaan ng NDFP. Noong Oktubre, tatlong konsultant nito ang inaresto na lubhang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pinirmahan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP. Sa tala ng Karapatan, 17 ang mga konsultant at istap ng NDFP ang nakakulong sa kasalukuyan.

“Dapat nating unawain na ang pag-atake sa mga konsultant ng NDFP ay atake sa mamamayang Pilipino…na walang pag-iimbot nilang pinaglilingkuran,” pahayag pa ni Reid. Sa panahon umano ng ganitong pinatinding atake sa NDFP, napakahalaga ng pagkilos ng FFPS at paghimok sa mga internasyunal na grupo na sumuporta sa kanilang laban.

AB: Mga balangay ng FFPS, naglunsad ng mga aktibidad bilang suporta sa NDFP