Balita

Mga biktima ng Red-tagging sa Luzon, nagbigay ng salaysay sa pagdinig ng CHR

,

Humarap sa pagdinig ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga indibidwal at grupong biktima ng Red-tagging ng dating rehimeng Duterte at kasalukuyang rehimeng Marcos sa Luzon. Ipinahayag nila sa pagdinig noong Enero 14 at 15 sa upisina ng CHR sa Quezon City ang kanilang karanasan dito. Panawagan nilang buwagin ang National Task Force (NTF)-Elcac at ibasura ang Anti-Terror Law na itinuturing nilang pangunahing mga Red-tagger.

Ang aktibidad ay bahagi ng mga serye ng pagdinig ng CHR hinggil sa Red-tagging na sinimulan noong 2024, sa pagtutulak ng mga grupo sa karapatang-tao. Sinimulan ang serye ng mga pagdinig noong Hulyo 2024 at nag-ikot sa Visayas at Mindanao, at sa Luzon nitong Enero. Dumalo sa mga pagdinig na ito ang iba’t ibang mga demokratikong organisasyon kabilang ang alyansang Karapatan.

Kabilang sa nagbahagi ng kanilang karanasan sa Red-tagging ang kababaihang lider ng komunidad sa Tondo, Manila. Anila, nagpapatuloy ang militarisasyon sa kanilang komunidad na nagsimula noon pang huling bahagi ng 2022. Kabi-kabila rin umano ang pagmamanman sa kanilang mga bahay, at pagpapaskil ng mga poster na binabansagan silang may kaugnayan sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayna (BHB).

Dagdag nila, sa isang pagkakataon pa ay pinilit sila ng mga sundalo na magtipun-tipon para tumanggap ng ayuda ngunit lumabas kalaunan na seremonya iyon ng “pagpapasuko.” Imbwelto sa mga paglabag sa karapatang-tao na ito ang 11th Civil Military Operations Battalion.

Ilang mga kinatawan rin mula sa Cordillera Peoples Alliance (CPA) ang dumalo sa pagdinig para magbahagi ng kanilang karanasan. “Mas matindi [ang nararanasan] ng mga liblib na barangay sa kanayunan dahil ang kanilang mga komunidad at lugar ng produksyon ay ipinaiilalim sa aerial bombing at panganganyon,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan at isa rin sa mga biktima ng Red-tagging.

Aniya, isang “de facto” na batas militar ang umiiral sa mga komunidad na ito kung saan nagpapatupad ang mga sundalo ng paghahamlet at blokeyo sa pagkain. Dagdag pa niya, hindi umiiral nang hiwalay ang Red-tagging at terror-tagging at ang iba pang mas malubhang mga paglabag sa karapatang-tao, kundi bahagi ng mga operasyong kontra-insurhensya sa mga militarisadong komunidad.

Kinilala ng Karapatan ang pagsisikap ng CHR na magsagawa ng mga pagdinig na ito hinggil sa Red-tagging para makita ang kabuuang larawan at pagiging laganap nito sa bansa. Karagdagan dito, nanawagan si Palabay sa CHR na imbestigahan ang matinding epekto ng mga kaso ng militarisasyon sa kalunsuran at kanayunan na lumalabag sa karapatang-tao at kanilang kagalingan.

AB: Mga biktima ng Red-tagging sa Luzon, nagbigay ng salaysay sa pagdinig ng CHR