Mga Boholano, kikilos kontra korapsyon
Makikiisa sa pambansang araw ng pagkilos ang mga Boholano sa darating na Setyembre 21 para batikusin ang katiwalian at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos. Iba’t ibang mga sektor at organisasyon ang lalahok sa demonstrasyon na gaganapin sa Plaza Rizal, Tagbilaran City sa pangunguna ng malapad na alyansang Lihok Bol-anon (Lihok Bol-anon Batok sa Korapsyon).
Sa nagdaang mga linggo, tuluy-tuloy na nalantad ang mga katiwalian sa gubyerno, kasabwat ang mga pribadong kumpanya, partikular sa usapin ng mga proyektong flood control na nagsindi sa galit at protesta ng mamamayang Pilipino. Sa limitadong listahan na inilabas ng gubyerno sa website na “Isumbong Mo,” may 78 proyektong flood control sa isla na posibleng iimbestigahan.
Ayon sa grupo, ang mga usaping ito ay nagpapaalala sa mamamayan na ang korapsyon ay nananatiling isa sa mga malalim na nakaugat na suliranin sa bansa. “Sa ganitong mga pagkakataon, marapat lamang ang paniningil ng mamamayan sa kanilang mga lider para sa pananagutan, transparency, at ang pagtitiyak na kakamtin ang hustisya sa ilalim ng batas,” ayon sa Lihok Bol-anon.
Bago ang pagsasanib-pwersa ng mga grupo sa Plaza Rizal, itinakda ng Lihok Bol-anon ang tatlong lugar ng pagtitipon para sa mga sektor. Itatampok sa programa ang mga talumpati, kanta, sayaw at panalangin laban sa korapsyon. Hinimok ng grupo ang mga lalahok sa pagkilos na magsuot ng damit na kulay puti bilang simbolo ng “kalinisan at integridad.”
Ang Lihok Bol-anon ay binubuo ng mga lider-simbahan, mga unibersidad at eskwelahan, mga organisasyong masa at iba pa. Ang inisyatiba ay pinasimulan ng bagong tatag na grupong Bohol Initiatives for Good Governance (BIGG).