Mga "crab net" ng mga mag-aalimango sa Gubat, iligal na kinumpiska

,

Iligal na pinasok ng armadong ahente ng estado ang mga tahanan ng 10 myembro ng Cota na Dako Crablet Workers Association at kinumpiska ang kanilang “duyan-duyan” o crab net noong Setyembre 22, bandang 6:30-7:30 ng umaga. Sinalakay ang mga bahay ng di bababa 25 elemento ng coast guard at pulis at mga tauhan ng Municipal Fisheries ang Agriculture Office (MAO).

Ayon kay Allan Espallardo, tagapangulo ng Save Gubat Bay Movement, walang ipinakitang search warrant o ano mang ligal na papeles ang mga awtoridad ng kumpiskahin ang mga nasabing kagamitan.

Ang mga bahay na iligal na pinasok at nirekisa ay tirahan ng sumusunod na mag-aalimango: Claudio Fajardo, Louie Fedellaga, Rolando Dongaban, Ramil Buenaobra, Loreto Rosero, Jordan Ibale, Merlie Buenaobra, Leo Edalgo, Eric Fajardo, at Rosana Elemente, lahat mga residente ng Barangay Cota na Dako, Gubat, Sorsogon.

Giit ng mga mag-aalimango na hindi bawal ang ang paggamit ng crab net, ayon mismo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Hndi naman kami nakasisira ng kalikasan, na ok naman sya, pero bakit siya kinumpiska ng mga taga coast guard, taga munisipyo?” pahayag ni Ar-ar Doncilllo, isa sa mga pinuno ng COTAW.

Batay sa mga probisyon ng Fisheries Administrative Order No. 264, s. 2020, walang ipinagbabawal na mga kagamitan sa pag-aalimango. Ayon pa sa ulat ng BFAR, muling sinusuri ang mga probisyon ng FAO 264 upang baguhin, na gagamiting basehan nitong pagsusuri ang sustenableng industriya ng pag-aalimango sa Gubat, Sorsogon.

“Ano ang gusto n’yo ipahiwatig sa mga tao? Na magutom na lang ang mga pamilya nila? Na mamalimos kami? Samantalang naghahanapbuhay kami ng maayos, araw-gabi, puyat, upang may mapakain kami sa aming pamilya… yung mga kinuha n’yo na gear namin di yun hiningi, pinag-ipunan namin yan, nangutang pa kami para magamit,” bwelta ni Doncillo.

Kinukundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Sorsogon ang panggigipit at harasment ng estado sa mga myembro ng COTAW.

“Dapat magkaisa ang mamamayang Sorsoganon na labanan ang proyektong coastal road sa munisipyo ng Gubat at sa lahat ng anti-mamamayan at anti-kalikasan na proyekto sa probinsya. Dapat maging mapagmatiyag at maghanda ang mga mamamayan sa maari pang mga paglabag sa karapatang-tao ng estado upang sikilin ang kanilang mga karapatan para sa lupa at kabuhayan,” pahayag ng grupo.

AB: Mga "crab net" ng mga mag-aalimango sa Gubat, iligal na kinumpiska