Mga drayber at opereytor ng dyip, kinalampag ang Korte Suprema

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket sa harap ng Korte Suprema sa Maynila ang mga drayber at opereytor ng dyip sa ilalim ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) kahapon, Abril 23, para himukin ang mataas na korte na tugunan na ang petisyon na inihain ng grup laban sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng Public Utility Vehicle (PUV). Himutok nila, napakatagal at bagal ng usad ng naturang petisyon na dapat ay napagdesisyunan na ng korte 10 araw matapos lamang itong ihain. Isinampa ang petisyon noong Disyembre 20, 2023.

Hiling ng mga drayber at opereytor na maglabas ng temporary restraining order ang korte laban sa Department Order (DO) 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG), at iba pang mga katulad na patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtutulak sa sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga PUV. Bahagi ang iskemang ito ng itinutulak na anti-mahirap at anti-drayber na PUV Modernization Program ng rehimeng Marcos.

Sa petisyon nito sa Korte, inilatag nila na taliwas sa kanilang karapatan sa malayang asosasyon ang sapilitang konsolidasyon. “Ang garantiya ng konstitusyon sa malayang asosasyon ay kinabibilangan ng kalayaang hindi pumaloob sa asosasyon,” nakasaad sa petisyon.

Pinipilit ng PUVMP ng gubyerno ang mga opereytor na ikonsolida o isuko ang kanilang indibidwal na prangkisa para maging isang prangkisa na lamang na hahawakan ng isang kooperatiba o korporasyon. Isinaad din nila sa petisyon na walang karapatan ang sinuman na pilitin silang bumuo o sumama sa anumang asosasyon.

“Apat na buwan na mula noong inihain natin sa Korte ang ating petisyon para ipatigil ang PUVMP. Wag na sana antayin pa ng Korte Suprema na dumami ang maliliit na operator na mabaon sa utang dahil napilitang pumasok sa consolidation at sa iba pang hindi makataong pakana ng PUVMP,” pahayag ng Piston.

Ayon sa rehimeng Marcos, “wala nang ekstensyon” ang pagpapatupad ng jeepney phaseout dahil “kailangang-kailangan na ito” sa katapusan ng Abril. Sa pagpapatupad nito, pagbabawalan na ang mga tradisyunal na dyip na hindi nagkonsolida na makabyahe sa kanilang mga ruta.

“Bawat araw na lumalapit sa deadline, ay dagdag pangamba sa mga maralitang tsuper at operator. Sana maunawaan ito ng Korte at huwag na muling payagan pa ang DOTr at LTFRB na magpataw pa ng mga taning sa kabuhayan natin,” ayon sa Piston.

AB: Mga drayber at opereytor ng dyip, kinalampag ang Korte Suprema