Mga estudyante, kasapi ng komunidad ng UP Diliman, nagbarikada kontra "clearing operations"

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Naglunsad ng iglap-protesta at barikada ang mga estudyante at iba pang sektor sa loob ng kampus ng University of the Philippines (UP)-Diliman kahapon, Abril 24, sa Area 2 kasunod ng biglaang clearing operations na isinagawa ng Quezon City Department of Sanitation and Cleanup Works at Department of Public Order and Safety sa ilang bahagi ng kampus. Pinangunahan ang mabilisang pagkilos ng UP Not for Sale Network.

Sa ulat ng grupo, kinumpiska at tinapon ng mga lokal na ahensya ang mga kagamitan ng mga manininda sa Area 2, tulad ng mga stall, lamesa, upuan, mga halaman at karatula, dahil diumano lagpas ang mga ito sa itinakdang lugar na sakop ng kanilang mga tindahan. Ayon sa mga manininda, hindi sila inabisuhan sa isinagawang clearing operations. Kasabay nito, nagkaroon rin ng clearing operations sa Dagohoy St.

Bilang tugon, kagyat na nagtipon ang iba’t ibang grupo at residente para magprotesta at magbarikada dahil sa pangambang bumalik muli ang mga nagke-clearing operation. Kasabay nito, naggiit din ng dayalogo ang University Student Council ng UP Diliman sa upisina ng Vice Chancellor of Community Affairs. Dahil sa mabilisang aksyon, nakuha ng network ang pangako ng UP Diliman na maibabalik ang lahat ng kinumpiskang gamit ng mga residente at hindi na magtutuloy ang clearing operations sa mga susunod na araw.

“Nangangailangan pa ring magpursigi sa ating kampanya laban sa komersyalisasyon dahil nakikita natin na lalong nagiging agresibo ang administrasyon sa pagtulak ng kanilang adyenda,” pahayag ng network. Naniniwala sila na bahagi ang clearing operations ng taktika ng administrasyon ng UP upang palambutin ang lupa sa ngangangambang pagsara ng Area 2 at pagpapalayas sa mga shopping center stallholders sa Old Tennis Court para sa pagbukas ng Dilimall (isang komersyalisadong mall sa loob ng kampus) ngayong taon. Ang Dilimall na ito ay itatayo ng pamilyang Gokongwei na nagmamay-ari ng malaking mall na Robinsons.

Sa harap nito, ipinabatid ng network ang kanilang determinasyon na tumugon at dumepensa, kaisa ng malawak na komunidad ng UP Diliman, para siguraduhin na mananaig ang kapakanan at karapatan ng komunidad, hindi ang komersyal na interes ng malalaking negosyo.

AB: Mga estudyante, kasapi ng komunidad ng UP Diliman, nagbarikada kontra "clearing operations"