Mga estudyante ng DLSU, hinimok ng KM na lumahok sa digmang bayan
Naglunsad ang mga myembro ng Kabataang Makabayan (KM) ng operasyong dikit at pagpapakalat ng mga zine na nagtatampok sa ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa loob ng kampus ng De La Salle University (DLSU)-Manila noong Abril 3. Nanawagan sila sa mga Lasalyano na sumapi sa hukbong bayan at makibahagi sa paglulunsad ng digmang bayan sa kanayunan.
Nagdikit ng mga istiker ang mga myembro ng KM sa mga klasrum at iba pang bahagi ng kampus. Nag-iwan at nagpalaganap rin sila ng gawang-kamay na mga zine na naglalaman ng rebolusyonaryong mga akda.
Mapangahas na inilunsad ng KM ang aktibidad bilang bahagi ng pagtataguyod nito sa hukbong bayan. Lihim na isinagawa ng KM ang aktibidad para pangalagaan ang kanilang seguridad.
“Itinataas ng rebolusyoonaryong mga Lasalyano ang aming kamao bilang pagdiriwang sa kamakailang anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan!” pahayag ng KM-Balangay Guiller Cadano. Anang balangay, nananatili silang tapat sa pagpapalakas ng hanay nito para isulong ang digmang bayan sa kanayunan.
Nanawagan ang balangay sa mga kapwa Lasalyano na itaguyod ang rebolusyonaryong kasaysayan ng kabataan at ipagpatuloy ang pag-oorganisa sa hanay ng masang anakpawis para ibagsak ang malakolonyal at malapyudal na sistemang panlipunan. “Magagawa lamang ito sa pagpapalakas ng armadong pakikibaka na inilulunsad ng BHB sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas,” pahayag ng balangay.
Sa nagdaang mga araw, kabi-kabilang pagtitipon, rali at operasyon-dikit at operasyon pinta ang inilunsad ng mga balangay ng KM sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.









