Mga internasyonal na grupo, magpapadala ng mga obserber sa eleksyon
Nag-anunsyo kahapon, Abril 18, ang International Coalition for Human Rights in Philippines (ICHRP) na magpapadala ito ng mga delegado sa Pilipinas upang obserbahan ang eleksyon sa Mayo (International Observer’s Mission 2025).
Ayon sa ICHRP, batid nitong sa gitna ng tumitinding paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas tulad ng mga sapilitang pagkawala, pambobomba sa mga komunidad at pag-iral ng mala-batas militar sa kanayunan ay nagpapatuloy an pandaraya, disimpormasyon at karahasan kung kaya’t mahalaga na may independyenteng magmamasid sa eleksyon na mag-iipon, magsusuri at magpapahayag ng kanilang mga nakalap na datos sa internasyunal na komunidad.
Noong 2022 ay naglunsad rin ang ICHRP ng International Observers Mission sa Pilipinas na nilahukan ng 60 na tagamasid mula sa 11 bansa. Nakapagtala sila ng mga kaso ng paglabag sa karapatang tao na may kinalaman sa eleksyon tulad ng pagbili ng boto, pagpalya ng mga vote counting machine, disimpormasyon, red-tagging, pagbabanta at pagpatay. Sa kanilang pinal na ulat, sinabi nilang hindi naging malaya at patas ang naganap na eleksyon.
Samantala, nag-anunsyo rin ang European Union na magpapadala ito 200 tagamasid para sa EU Election Observation Mission para sa darating na eleksyon sa Mayo. Ayon kay Deputy Chief Observer Manuel Sanchez de Nogues “babantayan namin ang katumpakan (accuracy), seguridad, tranparency ng pagboto, pagbilang, pagtatala ng mga automated counting machine, mga kampanya sa eleksyon ng mga kandidato at iba pa.”
Liban sa mga kinatawan mula sa EU, magpapadala rin ng mga tauhan ang gubyerno ng Canada, Norway at Switzerland para magmasid.